Isang sumbong at pakiusap ang ating natanggap sa ating BANTAY OFW monitoring center mula kay Marily Alisir na dineploy ng Bionic Manpower Services sa Saudi Arabia.
Heto ang kanyang buong mensahe na ipinarating sa atin.
“Magandang hapon po sa lahat ng bumubuo ng AKOOFW at Bantay OFW. Ako po si Marily Alisir ng Saudi Arabia. Iba lang ang gamit kong celfone dahil hindi kasi ako allowed mag-cellphone. Nagtatago lang ako. Hindi alam ng employer ko na may cp ako. Sana po ay matulungan n’yo ‘ko.
Finish contract na po ako last January 26 ayaw akong pauwiin ng employer ko, sabi nila ‘pag natapos ang klase raw sa Mayo po. Umoo na lang ako. Tapos kailan lang kinausap ulit ako na-extend ulit hanggang November daw.
Ayoko na po. Hindi ko na kaya, nananakit ‘yong anak niyang panganay. 3 days ago, nagsagutan kami ni madam dahil sinaktan na naman ako ng anak n’ya kaharap po siya, iwas ako, pinigilan ko ang anak niya pinagsusuntok ako sa likod hanggang sa kinabig ko s’ya at napaupo. Galit si madam sinaktan ko raw.
Grabe po away namin. Sabi ko uuwi na ako. Ayoko na. Sabihin ko sa asawa mo pag-uwi kung ano dahilan. Sagot po n’ya sa ‘kin, ‘sige sasabihin ko rin na sinaktan mo si Fahad”, na anak nya.
Sabi ni madam ay hindi raw n’ya aayusin papel ko para makauwi at ipapatapon na lang daw n’ya ako kahit saan or doon sa nanay n’ya sa disyerto at wala raw s’yang pera kung gusto ko raw bumili ako sarili kong ticket sa eroplano.
Sana po matulungan n’yo ko. Sana mapansin n’yo message ko. Marami pong salamat God bless po.”
Ang Bantay OFW ay nangako kay Marily na ang kanyang problema ay ating ipaparating sa kanyang ahensya na Bionic Manpower Services. At kung sakali na hindi agad kumilos ang kanyang ahensya na Bionic Manpower Services ay agad nating ipaparating ang kanyang reklamo kay POEA Administrator Bernard Olalia upang ang POEA na mismo ang mag-utos sa Bionic Manpower Services.
Likas na masisipag ang ating mga kababaihang OFW, pero sila man din ay nasasaktan at napapagod dahil hindi naman sila Bionic-Woman. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
191