BOLADAS LANG ATA PAGBABA NG PRESYO NG BIGAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

POSIBLENG maramdaman ang malaking pagbaba ng presyo ng bigas. Magandang balita ah. Pero, hindi ngayong buwan o sa natitirang mga buwan ng kasalukuyang taon.

Sa Enero 2025 pa raw ang inaasahang malaking bagsak presyo, ayon sa Department of Agriculture.

Susme, magandang pasakalye na sana ito para sa medyo maalwang ber months. Kaya, makuntento na muna at tanggapin ang inaasahan ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na magsisimulang bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa susunod na buwan.

Tantiya ng mga economic manager, maaaring bumaba ang presyo ng bigas ng lima hanggang pitong piso kada kilo na resulta ng binawasang taripa.

Hindi pa raw maramdaman ngayon ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil maraming rice trader ang nagtaas ng presyo bilang paghahanda sa inaasahang kakulangan nito dala ng El Niño. Pero, ano itong lumabas na sa pagsusuri ng DA ay bumaba ang presyo ng bigas sa ilang merkado sa Metro Manila? Ano ba talaga mga kuya, parang spaghetti lang na pababa at pataas ah. Oh, nagbobolahan lang tayo sa usapin ng presyo ng bigas?

May paglilinaw ang Philippine Ports Authority (PPA) tungkol sa pagtaas ng presyo ng bigas matapos ang naging pahayag ng agri chief.

Sinabi ng PPA na walang pagsisikip sa mga port na pinangangasiwaan nito, ngunit ang ibang rice container shipment ay natatagalang bawiin ng kanilang consignees, na nagreresulta sa posibleng artipisyal na pagtaas ng presyo ng bigas.

Inilabas ng PPA ang pahayag matapos sabihin ni Tiu-Laurel na ang port congestion ay bahagi ng rason bakit nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa kabila ng pagdating ng mga inangkat na bigas.

Ang Manila International Container Terminal at South Harbor ay maayos ang operasyon sa kanilang kapasidad at hindi nakararanas ng pagsisikip kung saan ang nagagamit na yard ay nasa 70 percent hanggang September 2024. Paliwanag pa ng PPA, ang average na oras ng pamamalagi para sa containers sa PPA-managed ports ay 5.4 araw, na pinakamababa sa kasaysayan at 0.4 days lagpas sa free storage period na 5 araw. Nangangahulugan na karamihan sa mga kargamento ay naaayos at nailalabas sa loob ng free storage period, ayon sa PPA.

Nauna nang sinabi ni Laurel na ang port congestion sa bansa ay malaking problema sa industriya ng agrikultura, partikular ang presyo ng imported na bigas. Aniya, may kabuuang 500,000 metric tons ng imported rice ang dumating sa bansa mula nang maging epektibo ang ibinabang taripa, ngunit mataas pa rin ang presyo ng bigas. Sinabi ni Laurel na ang mabagal na pagbababa dahil sa pagsisikip ng pantalan ay parte ng dahilan. Ang mga barko aniyang may kapasidad na 10,000 metric tons ay nagbabayad ng halos $7000 kada araw ng pamamalagi sa port. Bukod dito, ang mga naunang inangkat na bigas noong mataas pa ang taripa ay may sobra pa.

Ayan, kailangan pa muna ipaubos ang mga naunang inangkat pero walang bagsak presyo. Ang tanong: Mabisa bang pampababa ng presyo ng bigas ang pagbawas ng taripa? Kung ang pagbaba ng presyo ng bigas ay malaking tulong sa pagbaba ng inflation rate ay asahan na bibilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo ngayon hanggang Pasko dahil ang malaking pagbagsak ng presyo ng bigas ay sa Enero pa. Iyon ay kung totoo at hindi pang-uuto ha.

150

Related posts

Leave a Comment