BUTAS SA ANTI-MONEY LAUNDERING LAW

BAGWIS

BAGAMA’T nakasaad sa ating Konstitusyon ang tinatawag na “freedom of religion” o ang kalayaang mamili ng ating pinapaniwalaang relihiyon, tila nagagamit naman ito sa mga kalokohan. Naalala ko tuloy na kapag minsan ay nababanggit na kapag gusto mo talagang yu­maman na walang binabayarang buwis ay magtayo ka ng relihiyon at tila ‘yan na nga ang ginagawa ng ilang mga diumano’y sugo o kaya ay anak ng Diyos.

Ayaw nating pag-usapan kung alin ang tamang relihiyon dahil mas mahalaga sa atin kung tamang pakikipagkapwa-tao kesa sa pagiging relihiyoso. Ang gusto nating pag-usapan ay mga butas sa ating batas na may kinalaman sa mga tinatawag na religious organizations.

Halimbawa ay alam niyo bang hindi sakop ng Anti-Money Laundering Law itong ating mga religious organizations at mga tinatawag na non-stock, non-profit organizations?

Batay sa Republic Act 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001, tanging ang mga sumusunod ang sakop ng Anti-Money Laundering Law:

1. Mga bangko, non-banks, quasi-banks, trust entities at ibang kahalintulad na institusyon, kasama ang mga subsidiary and affiliate nito na nasa ilalim ng superbisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP);

2. Mga insurance com­panies at kahalintulad na ins­titusyon na nasa ila­­lim ng superbisyon at pamamalakad ng Insurance Commission;

3. Mga (i) securities dealers, brokers, salesmen, investment houses at iba pang katulad na tao o grupo na nangangasiwa at nagpapatakbo ng mga securities o nagbibigay ng serbisyo bilang investment agent, advisor, o consultant; (ii) Mga mutual funds, close-end investment companies, common trust funds, pre-need companies at iba pang katulad na negosyo; (iii) Mga foreign exchange corporations, money changers, money payment, remittance, transfer companies at mga katulad nito, at (iv) mga iba pang mga tao, grupo o organisasyon na may kinalaman sa pangangalakal ng mga salapi, commodities at mga tinatawag na financial derivatives, valuable objects, cash substitutes at iba pang mga katulad na monetary instruments o ari-arian na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Securities and Exchange Commission.

Ang tila nakalimutan ng ating mga mambabatas noong kanilang binuo ang RA 9160 ay marami sa ating mga religious organizations ay sumasawsaw din sa iba’t ibang negosyo maliban pa sa regular na koleksyon ng mga abuloy at tithes.

Ito marahil ang nasilip ng mga taong gaya ni Pastor Joel Apolinario na siyang dahilan kung bakit itinatag nito ang KAPA Community Ministry International Inc., at inirehistro ito sa SEC bilang isang religious organization.

Dahil hindi sakop ng Anti-Money Laudering Council (AMLC) ang mga religious organization na gaya ng KAPA, tiyak na mahihirapan ang pamahalaan na habulin ang mga salaping nakamal ni Apolinario.

Maging ang SEC na siyang naglabas ng kautusan upang pigilan si Apolinario at mga alipores nito na galawin ang pera at ari-arian ng KAPA ay ma­hi­hirapang ipatupad ito dahil wala namang malinaw na batas para sa aksyon nito.

Hangga’t walang kaso na maisasampa ang SEC laban kay Apolinario at sa mga iba pang opisyal ng KAPA ay walang maaaring makapigil sa mga ito kung sakaling itakbo nila ang bilyun-bilyong salapi na kanilang nakamal mula sa kanilang mga miyembro.

Sa lalong madaling panahon, mas makakabuting magsampa na ng kaso ang SEC dahil malinaw naman ang napakaraming paglabag ng KAPA sa mga panuntunan ng SEC. Kinakailangang gumalaw na rin ang Department of Justice (DoJ) upang makasuhan itong si Apolinario at mga kasamahan nito ng large-scale estafa bago pa man tumakas ang mga ito palabas ng bansa. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

102

Related posts

Leave a Comment