MAS MARAMING MAY TRABAHO MALIBAN SA MGA MAGSASAKA

USAPANG KABUHAYAN

UMABOT na sa 72.4 milyong Filipino o higit sa 60 por­syento ng ating populasyon nitong nakaraang buwan ng Enero ang nasa tamang edad para magtrabaho, at dahil sa mas magandang ekonomiya ay bumaba ng kaunti ang bilang ng mga walang trabaho, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang hindi maganda ay mga trabaho sa sektor ng sakahan ang nawala dahil sa mas maliit na kita ng mga sakahan at ang pag-alis ng limitasyon sa pwedeng maiangkat na bigas galing sa ibang bansa, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. Bukod dito, naapektuhan din ng maraming kalamidad gaya ng malakas na bagyo sa ilang rehiyon ng bansa ang bilang ng patrabaho sa mga sakahan. Pero tinapatan naman ito ng mas malaking produksyon sa mga pabrika at ibang industriya na pinuntahan ng mga nawalan ng trabaho sa agrikultura.

Base sa report ng PSA, 94.8 porsyento ng 72.4 milyong Filipino na nasa tamang edad para magkaroon ng pormal na trabaho ang nagsabing mayroon silang mahusay na trabaho. Binibilang sa hanay ng may mahusay na trabaho ang nagtatrabaho ng 40 oras o higit pa kada linggo.

Ayon kay Pernia, dapat mas bilisan ng Malacañang at Kongreso ang pag-aalis ng limitasyon sa pwedeng i­pasok na kapital ng mga dayuhang negosyante para mas tumaas ang bilang ng mga negosyong pwedeng pasukan ng mga Filipino. Ang problema rito ay ayaw pang aksyunan ng Senado ang mga panukalang buksan ang ating Saligang Batas para tanggalin ang limitas­yon sa pwedeng maging pag-aari na negosyo ng mga dayuhan sa ating bansa. Isa pa, hindi pa talaga naaalis sa maraming Filipino ang kanilang takot sa mga dayuhan ke negosyante man o ordinaryong tao lamang kaya mas marami pa rin ang ayaw payagan na maging may-ari ng lupa sa bansa ang mga dayuhan.

Sinabi rin ni Pernia na mas tataas ang bilang ng mga trabaho sa mga sakahan kung magtatagumpay ang pamahalaan at ang pribadong sektor na kumbinsihin ang mga magsasaka na lumipat sa pagtatanim ng mga tanim na maliit lang ang kita gaya ng palay tungo sa pagtatanim ng mga mas mahal na produkto gaya ng gulay at prutas at ang pagproseso nito sa mga produktong handa nang kai­nin o gamitin sa pagluluto.

Sa ganang atin ay maliban na lang kung magkaroon ng matinding kaguluhan na apektado ang buong bansa gaya ng giyera sa anumang parte ng mundo na mara­ming trabahador na Filipino o sa Asya mismo o hindi kaya ay malaking problemang pampolitika gaya ng rebelyon o coup o hindi kaya ay kaguluhan sanhi ng isang epi­demya ng sakit, patuloy na aangat ang pagnenegosyo sa bansa kaya mananatiling sapat ang trabaho para sa mas maraming Filipino. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

74

Related posts

Leave a Comment