EPEKTO NG DEPLOYMENT BAN SA SAUDI ARABIA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

MAGKAKASALUNGAT ang pagtanggap at pag-unawa ng iba’t ibang grupo sa idineklarang deployment ban sa Saudi Arabia.

Magugunita na noong Nobyembre 2021 ay nagdeklara ng deployment ban sa Saudi Arabia si Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment sa kadahilanang hindi pagbabayad ng umabot sa halos 4 bilyong pisong pasweldo at karampatang benepisyo ng mga kumpanya ng higit 11,000 OFWs. Nadagdag din sa kadahilanan ang sunod-sunod na kaso ng pang-aabuso sa domestic workers o Household Service Workers (HSWs).

Kung kaya tanging ang mga datihan nang nagtatrabaho na may kontrata ang nakababalik sa Saudi Arabia at ang mga baguhan pa lamang nag-a-apply ay halos isang taon nang nakatengga sa mga accommodation at ang iba ay nagsibalikan na sa probinsya o nag-apply na sa ibang bansa.

Malaki ang naging epekto nito hindi lamang sa mga ­Philippine Recruitment Agency (PRA) na nagpapadala ng mga kasambahay sa Saudi Arabia kundi lalong malaking dagok sa negosyo at serbisyo ng Saudi Recruitment Agencies (SRAs).

Bilang isang volunteer advocate, nadarama natin ang epekto ng deployment ban sa pag-rescue at pagpapauwi ng mga distressed OFW na humihingi ng tulong.

Kung dati kasi kapag may OFW na humihingi ng saklolo ay madaling napakikiusapan ang mga PRA at SRA na pauwiin na lamang ang OFW, ngunit sa nakalipas na buwan, kahit na anong pakiusap ang aming sabihin sa mga SRA o PRA ay nagsasabi na ito na talagang wala na silang perang pambili ng ticket ng eroplano para mapauwi ang ating mga kabayani.

Kabilang dito ang isang OFW na dumulog sa AKO OFW na si Edna Magon na una nang humingi ng tulong sa AKO OFW para siya ay payagan nang makauwi dahil sa kanyang dinaranas na pagmamaltrato mula sa kanyang amo.

Ayon kay OFW Magon: “May exit VISA na po ako pero wala po ako pambili ng ticket, sa kadahilanang sarado na po ang agency ko dito Sa Saudi at matagal na po akong natengga dito sa Sakan”.

Maraming katulad ng kaso ni OFW Magon ang patuloy na humihingi ng tulong sa ating OWWA upang sila ay makauwi sa Pilipinas. Marami sa kanila ay inabandona na ng SRA dahil tuluyan na itong nabangkarote.

Bagaman ang OWWA ay may isinasagawang libreng “Repatriation program” ngunit ang pondo nito ay aabot na sa sukdulan at malamang na mahinto na rin ito sa susunod na mga buwan.

Marahil ay nararapat na muling buksan ang usapin sa pagpapadala ng mga OFW sa Saudi Arabia, ngunit siguruhin lamang na mas magkakaroon ito ng karagdagang proteksyon at kabilang dito ang pagpapatupad ng paglalagak ng Escrow Deposit ng mga SRA upang masigurong matatanggap ng mga OFW ang kanilang sweldo at mga benepisyo.

Dapat din siguruhin na ang mga employer ay daraan sa orientation seminar para i-verify ang kanilang kontrata para makakuha ng kasambahay sa Pilipinas. Naniniwala ang AKO OFW na kung ang mga OFW ay kinakailangan na dumaan sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) para turuan ang mga ito sa kanilang tungkulin at karapatan, dapat din na ang mga employer na kukuha ng OFW ay turuan at paalalahanan din ng kanilang tungkulin at obligasyon na ayon sa nakasaad sa kanilang kontratang pinirmahan.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

69

Related posts

Leave a Comment