CHINA ‘DI NAGPASINDAK SA BALIKATAN EXERCISES 2024, PAMBU-BULLY TULOY!

PUNA ni JOEL AMONGO

SA kabila ng patuloy na isinasagawang Balikatan Exercises 2024 ng Pilipinas, France at Amerika sa iba’t ibang lugar ng bansa, hindi naman nagpatinag ang mga awtoridad ng China sa pangha-harass sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay magdadala sana ng supplies sa mga Pilipinong mangingisda sa bisinidad ng Bajo de Masinloc na sakop ng West Philippine Sea, noong nakaraang Martes, Abril 30, nang harangin sila at bombahin ng tubig ng mga barko ng China Coast Guard (CCG).

Maging ang kasama ng BFAR na barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ay pinagtulungan ding bombahin ng dalawang naglalakihang barko ng CCG na ikinasira ng ilang bahagi nito.

Layunin lamang ng mga barko ng Pilipinas na bigyan ng ayuda ang nasa sampung (10) fishing motherboats sa nabanggit na karagatan na sakop pa ng Pilipinas.

Bukod sa mga barko ng CCG na nambomba ng tubig sa mga barko ng PGC at BFAR, ay may iba pang mga barko ng China ang namataan sa lugar kabilang na umano ang isa pang barko ng kanilang militar.

Sinasabi naman ng China na ang kanilang ginawang pambobomba sa mga barko ng Pilipinas ay tama lamang bilang pagtatanggol ng kanilang teritoryo.

Pinanindigan na talaga ng mga Tsekwa na ito na sa kanila talaga ang West Philippine Sea na sobrang layo naman sa kanilang bansa.

Sa kabila ng pagpapakita ng Pilipinas, France at Amerika sa isinasagawang Balikatan Exercises 2024, ay balewala pa rin ito sa mga Tsekwa. Bully talaga!

Ang ginagawang pambu-bully ng China sa mga mangingisdang Pilipino at mga barko ng Pilipinas, ay nagiging paulit-ulit na lamang na hindi natutuldukan dahil iginigiit nila na ang malawak na karagatan sa West Philippine Sea ay pag-aari nila.

Anomang batas na nakasasakop sa mga karagatan ay hindi inirerespeto ng bansang China, kung ano ang sabihin nila ‘yun ang batas sa kanila. Tsk! Tsk! Tsk!

Wala silang pakialam, maging kaalyado ka man ng mga malalaking bansa na tulad ng Amerika, France, Australia at iba pa, basta sa kanila kung ano ang nais nilang angkinin ay kukunin nila.

Marami nang mga isla ng Pilipinas na matatagpuan sa West Philippine Sea, ang nasakop ng China at tinayuan nila ng mga gusali at may airport na nilagyan ng pwersang militar.

Maging sa Pacific Ocean na nasa kabilang parte na ng bansang China, ay may namataan na ring barko ng China na paikot-ikot sa karagatan na sakop din ng Pilipinas.

Panahon na para magkaisa ang mga Pilipino para sa iisang layunin, para kondenahin ang ginagawang pambu-bully ng China.

Kailangan ding mag-isip ng mga hakbang ang gobyerno laban sa panggigipit ng China na iindahin nila nang hindi naman hahantong sa giyera.

Obyus naman na hindi uubra ang Pilipinas sa pakikipaggiyera sa China dahil sa sundalo pa lang ay wala pa sa kalahati ang mga Pilipino sa China, at lalo pa sa usapin ng mga armas, walang binatbat ang Pilipinas.

May mga nagsabi sa PUNA na panahon na para huwag tangkilikin ang mga produkto ng China na nakakalat sa iba’t ibang tindahan sa bansa.

Baka sakali raw pansinin ito ng dating tinaguriang “Sleeping Giant” noong araw, sana nga.

-oOo-

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

48

Related posts

Leave a Comment