KONEKSYON NG DRUG SUSPECT KAY PBBM NAUNGKAT SA WOW MALING BIGGEST DRUG HAUL

CLICKBAIT ni Jo Barlizo

INULAN ng batikos at suspetsa ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinakamalaking drug haul sa bansa ang nasabat na P13.3-B ilegal na droga sa Alitagtag, Batangas kamakailan.

Walang putukan at walang namatay, walang naputukan at walang nasaktan sa biggest drug haul daw na tinatayang 2 toneladang ilegal na droga.

Lalong uminit ang hinala nang bumaba sa 1,424 kilo na nagkakahalaga ng P9.68 bilyon ang datos matapos ang imbentaryo ng mga awtoridad.

May punto naman ang ibinabang timbang at halaga dahil hindi pa dumaan sa tamang proseso ang pagtatantiya sa nasamsam na droga.

Dahil dito, kantiyaw ang inabot ni Marcos kasi lumalabas na ang nasamsam sa Infanta, Quezon na P11 bilyong halaga ng shabu noong 2022 ang pinakamalaking drug haul.

Ipinagmamalaki ng pamahalaan ang operasyon sa Alitagtag, na patunay ng mas pinaigting na programa nito kontra droga.

Hindi matatapos ang usap-usapan, haka-haka at hinala sa “achievement” na ito ng administrasyon ni Marcos kung hanggang pagsamsam lamang ang ginagawa ngunit hindi tinutukoy ang malaking tao sa likod ng mga kontrabando.

Dapat maging sinsero ang pamahalaan sa ibinabandera nitong epektibong polisiya laban sa droga na hindi gumagamit ng karahasan at madugong engkwentro.

Kung ipakikita ni Marcos na hindi siya titigil hangga’t hindi nananagot sa batas ang mga taong nasa likod nito ay matutubos niya ang sarili sa ipinupukol sa kanya na palabas lang ang mga panghuhuli.

Hindi puro babala sa mga drug syndicate ang dapat ikasa kundi ang lipulin ang mga ito, parusahan nang mabunot ang ugat na pinagmumulan ng ilegal na droga.

Mas maige na ang anti-drug strategy ay binibigyan ng prayoridad ang public health at pagputol sa supply chains, at pagpuntirya sa malalaking sindikato.

Sa gitna ng mga kantyaw kay PBBM sa ipinagmalaking biggest drug haul ay nabuhay ang kwento tungkol sa drug suspect na kasama umano sa isa sa kanyang mga trip abroad.

Bumalik sa social media ang pangalang Mark Anthony Sarayot, isang negosyante na minsang naaresto sa drug raid sa Muntinlupa City. Kasama nito ang larawan na kuha mula sa New York trip ni PBBM kung saan makikita rin si Sayarot.

Marami ang nagtatanong kung nasaan na si Sayarot at ano ang nangyari sa kanyang kaso.

Noong 2022, naaresto si Sayarot kasama ang French national na si Aurélien Cythere, at tatlong iba pa sa magkakasunod na operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs Manila International Container Port-Intelligence and Investigation Service (BOC MICP-CIIS), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City.

Tanong ng netizens, anong ginagawa ni Sayarot sa official trip ng Pangulo?

Lalong nababaon sa isyu ng droga si PBBM. Marahil panahon na para sagutin niya ang mga tanong at tumugon sa hamon para sa isang credible at transparent na drug test.

Ito lang ang tatapos sa hindi mamatay-matay na isyu.

51

Related posts

Leave a Comment