Totoong-totoo ang sinasabi noon ng mga matatanda sa amin na ang Christmas parties ay para sa mga bata lang talaga at hindi na para sa mga may edad na dahil sa kanilang kalusugan.
Napapansin ko noon na marami nang may edad na sa amin ang hindi na excited sa kaliwa’t kanan at halos araw-araw na Christmas party na inoorganisa ng mga na kaibigan at mga kaanak kahit anong sarap pa ng mga handa.
Napapansin ko na halos ayaw kumain ang mga may edad na sa mga party at kung kakain man ay piling pili ang kinakain tulad ng mga pagkaing walang cholesterol at hindi nagpapataas ng alta presyon.
Hindi ko sila maunawaan noon pero ngayon ay alam ko na ang kanilang dahilan. Kailangan mo talagang maranasan ang isang bagay para maunawaan mo, ika nga nila.
Noong medyo bata-bata pa tayo, wala tayong pakiaalam kung anong pagkain ang ipinapasok natin sa ating tiyan pero kapag nagkakaedad na pala ay talagang ingat na ingat ka sa iyong sarili lalo na kung may nararamdaman ka na at mayroon ka nang maintenance.
Inaamin ko na medyo nagkakaedad na tayo at may maintenance na rin kaya nauunawaan ko na ang mga mas matatanda sa amin kung bakit hindi sila excited sa Christmas party.
Naniniwala na ako sa kanila na ang Christmas party ay para lang talaga sa mga bata at wala pang nararamdaman ng kung anu-ano sa katawan dahil kapag nagkakaedad na pala, mas nag-iingat ka na sa mga kinakain mo.
Anyway, belated Merry Chirstmas sa inyong lahat at advance Happy New Year na rin sa inyo at hindi pa tapos ang mga pagtitipon at nakaugalian na nating mga Filipino na kung anong paghahanda na ginagawa natin kapag Pasko at mas doble pa sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang tradisyon na hindi na mawawala sa mga Filipino kaya tayo ang may hawak ng world record na may pinakamahabang Christmas season sa buong mundo dahil sa haba ng selebrasyon.
Dalangin ko lang na maging ligtas tayong lahat sa pagsalubong sa Bagong Taon at maging masagana, mapayapa at punum-puno ng pagmamahalan sa susunod na taon.
Taun-taon kasi, maraming sunog, biktima ng ligaw na bata ang nangyayari kapag sinasalubong natin ang bagong taon. Isipin na lang natin, hindi lang ang ating sarili kundi ang ating kapwa na nadadamay sa kabaliwan natin.
Happy New Year po!!! (DPA / BERNARD TAGUINOD)
147