CONFLICT OF INTEREST NG DENR CHIEF

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MATAPOS isabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Law may tatlo’t kalahating dekada ang nakalipas, nananatiling nganga ang hanay ng mga magsasaka sa lalawigan ng Palawan hinggil sa usapin ng repormang agraryo.

Kasi naman, hindi pa rin ipinamahagi ng gobyerno ang malawak na lupain ng pamilya ni Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.

Buwan ng Pebrero taong 2019 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 75 na inakalang magbibigay-daan sa ganap na pamamahagi ng lupang sakahan na pag-aari ng pamahalaan.

Ang totoo, malaking bentahe sa isinusulong na programang sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat ang pagkakaroon ng lupang pagtatamnan sa malaking bahagi ng bansa, lalo pa’t yan mismo ang layunin ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Gayunpaman, usad-pagong ang programang reporma sa agraryo dahil sa masalimuot na proseso ng CARP, bukod pa sa bantulot ang iba pang mga katuwang na ahensya na isalin ang titulo ng lupa sa kustodiya ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Bago pa man nilagdaan ni Duterte ang EO 75, nagsasagawa na ng imbentaryo ang DAR sa mga lupang pag-aari ng pamahalaan – kabilang ang 9,000 ektaryang sakop ng Yulo King Ranch (YKR) na bumabaybay sa mga bayan ng Busuanga at Coron sa Palawan.

Tama! Hindi pag-aari ng pamilyang Yulo ang buong 9,000-ektarya.

Sa pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinagkatiwala ng bida sa Palasyo ang trabaho para isulong ang CARP kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.

Kamakailan lang, ibinida ni Estrella ang aniya’y kanilang pinaigting na paghahanap ng mas marami pang lupang-gobyerno na pwedeng ipamahagi sa mga magsasakang walang sariling sakahan.

Batay sa pinakahuling datos ng DAR, may natukoy na silang 52,000-ektarya na swak pagtaniman ng mga magsasaka. Katunayan pa, ayon kay Estrella, binuhay ang DAR Validation Committee (DVC) at DVC Secretariat na binubuo ng Technical, Legal, Survey, at Administrative experts.

Utos ni Estrella – resolbahin ang usapin sa masalimuot na proseso para sa wasto at mabilis na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Pero ang nakapagtataka, parang wala naman plano ang gobyerno na salingin ang pamilyang Yulo na umaangkin sa 9,000-ektaryang hacienda sa dalawang bayan ng Palawan.

Ano nga ba ang pumipigil sa DAR na ipamahagi sa 786 magsasaka ang 900-ektarya ng lupang sakop ng YKR. Sa bayan pa lang ng Busuanga ‘yan.

Taong 2014 pa naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa tunay na nagmamay-ari ng malawak na lupa sa Palawan. Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema – sa gobyerno ‘yan!

Para maisakatuparan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, kailangan pumirma sa isang kasunduan ang DAR at ang DENR na sa kasamaang palad ay pinamumunuan ng heredera ng mga Yulo.

Kaya ba DENR ang pinili niyang ahensya?

140

Related posts

Leave a Comment