NAKAGAGALIT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAKAGAGALIT ang panggagago ng China sa atin sa West Philippine Sea (WPS) pero mas nakagagalit na may mga dati at kasalukuyan tayong mga lider ang nakabibingi ang katahimikan.

Nagmumukha tayong mga busabos sa sarili nating teritoryo kapag binubugahan ng tubig ng Chinese Coast Guard ang mga barko na nagdadala ng supply sa ating mga puwersa na naka-deploy sa BRP Sierra Madre at nagdedepensa sa Ayungin Shoal.

Kahit ang humanitarian mission na lumayag sa sarili nating teritoryo para bigyan ng pamasko ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, ay hindi pinatawad ng Chinese Coast Guard at binombahan sila ng tubig.

Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, itinuring niya ang China na kaibigan at inaway ang United States at European Countries pero ang tingin ko kay Xi Jinping ay “user” o nakikipagkaibigan lang sa mga taong pakikinabangan niya.

Hindi ganyan ang asal ng isang totoong kaibigan. Ang totoong kaibigan ay hindi ginagago ang kaibigan pero ‘yan ang ginagawa ng China sa Pilipinas. Baka nga hindi kaibigan ang turing ni Xi Jinping kay Rodrigo eh.

Nakipagplastikan lang si Xi Jinping kay Rodrigo pero sineryoso ng ating dating Pangulo at itinuring niyang bestfriend ang pinaka-ambisyosong Pangulo ng China kaya ayan lalong lumakas ang puwersa ng Komunistang Tsina sa WPS.

Kaya magtataka ka, galit na galit siya sa mga komunistang Pinoy pero kaibigan ang turing niya sa Komunistang China na mas matindi ang banta sa ating national security at hindi lang gobyerno ang gustong agawin sa atin kundi ang mismong teritoryo.

Ngayon hirap na hirap na tayong mapalayas ang Komunistang Tsina sa WPS at kulang na lang ay pataubin ang mga barko natin na naglalayag sa sariling karagatan at tuluyang angkinin ang teritoryong ito na sagana sa yamang dagat at may malaking deposito ng langis at gas.

Pero mas nakagagalit na may Pinoy Trolls ang kumakampi pa sa China kaysa makiisa sa mga kapwa Pinoy para ipaglaban ang teritoryo ng ating bansa laban China na tumitindi ang pagkagamahan.

Hindi ko personal na kilala si Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Jay Tarriela na vocal ang pagtuligsa sa panggagago ng China sa atin sa WPS pero imbes na suportahan siya ay may nag-aakusa sa kanya na ahente siya ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika.

Mantakin mo ‘yun, inaakusahan ng Pinoy trolls na ito ang kalahi na nakikipaglaban sa nananakop sa ating bansa, na CIA agent? Saan ka nakakita ng ganyan?

Pero dahil bayaran ang trolls, malamang may Chinese money na ginagamit para sa kanilang propaganda machine sa Pinas para sa kanilang “divide and conquer” strategy pero mabibigo sila dahil mas maraming Pinoy ang galit sa pambubusabos ng China sa mga kababayan natin sa WPS.

Dapat ding magkaisa na ang lahat ng lider ng bansa sa pagkondena sa China dahil may mga nananahimik pa pero dapat kumilos na rin ang international community dahil hindi sapat na kondenahin lang ang aksyon ng China at sasabihing nasa atin sila. Walk the talk, ika nga.

 

119

Related posts

Leave a Comment