CONG. ARNIE TEVES, BIKTIMA NG ‘TRIAL BY PUBLICITY’

TARGET NI KA REX CAYANONG

MUKHANG ayaw tantanan ng kanyang mga kalaban si Negros Oriental 2nd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Tila ginagawa na raw ang lahat para mapabagsak siya. Kung anu-anong akusasyon ang ibinabato sa kongresista na wala namang basehan.

Kaya naniniwala ang isang abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na biktima ng “trial by publicity” si Teves.

Siya ang itinuturong ‘utak’ daw sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo pero wala pa siyang kaso.

Sa isang news forum, sinabi ni Atty. Ariel Jawid na hindi ebidensiya kundi “kutob” at impresyon pa lamang ang pinagbabasehan sa pagiging ‘mastermind’ daw ni Cong. Teves sa paglikida kay Degamo.

Ang masaklap, parang hinatulan na siya sa mata ng publiko. Malaking kaso raw ang naganap na pagpaslang kay Degamo.

Kaya naman, para kay Atty. Jawid, nararapat lamang daw na bawat anggulo ay suriin at busisiin.

Tama nga naman ang abogado. May posibilidad daw na may lumitaw pang malinaw at totoong motibo sa nangyaring pamamaslang sa gobernador.

Aba’y kasama sa mga ipinunto ng abogado ang nauna nang pahayag ng Department of Justice (DOJ) na sarado na ang kaso at “99.9% nang lutas” ang usapin.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nasasampahan ng kaso ang mambabatas.

Sabi ng abogado ng VACC, mas tama raw ang proseso na kasuhan na lang muna si Teves sa halip na pinagpipiyestahan ng publiko ang nasabing isyu.

Masasabi nga naman na hindi patas ang pagtrato sa kaso lalo pa’t wala naman sa bansa si Teves para maipagtanggol ang kanyang sarili dito.

Kasabay nito, isiniwalat ni Jawid na ipagtatanggol niya sa korte ang isang akusado na kinasuhan ng frustrated murder ng dalawang negosyante noong taong 2021.

Naku, sinasabi pang may kinalaman din daw ito sa Degamo killing.

Abangan natin ang susunod na kabanata!

92

Related posts

Leave a Comment