MIGRANT OFFICE SA QATAR, KINALAMPAG DAHIL SA POLICY NA “NO LUNCH BREAK”!

RAPIDO NI TULFO

NOONG nakaraang araw ng Linggo (Mayo 7, 2023), nakatanggap tayo ng reklamo mula sa isang OFW sa Qatar.

Ayon sa mensaheng ating natanggap, wala umanong katao-tao sa mga window sa Migrant Workers Office sa Qatar taliwas sa naka-post sa kanilang website na “No Lunch Break”

Tuwing lunch break lang umano nakapupunta ang mga OFW na tulad niya, sa opisina ng DMW. Pero paano nga naman maaayos nang mabilis ang kanilang mga papel kung naka-break din ang mga empleyado ng ahensya.

Agad tayong nakipag-ugnayan sa opisina ni DMW Sec. Toots Ople, ganoon din sa mismong opisina ng DMW sa Qatar.

At naging mabilis naman ang kanilang tugon, sa email na ipinadala sa atin ni Atty. Don Albert Philippe C. Pangcog, ang Asst. Labor Attaché/OIC ng DMW sa Qatar, humihingi siya ng pasensya sa hindi magandang karanasan ng OFW sa pagpunta sa ahensya.

Hindi umano nila nabantayan na hindi nasusunod ang kanilang polisiyang “No Lunch Break”. Personal umano nyang babantayan ang opisina upang masiguradong mahigpit na maipatupad ang polisiyang ito.

Aasahan natin na magiging mabilis at maayos na ang sistema sa DMW Qatar upang tugunan ang mga concern ng mga kababayan nating nasa bansang Qatar (maging sa ibang bansa), tutal ‘yun naman talaga ang silbi nila kaya sila naroon sa opisinang iyon.

Kung kayo ay may reklamo na kahalintulad nito, maaaring ipadala ito sa aming email na rapidonitulfo1530@gmail.com o sa aming official FB page na Rapido Ni Patrick Tulfo via messenger. Mas maganda rin kung mayroon itong kaakibat na larawan o video bilang ebidensya.

Ang aming aksyon center ay matatagpuan sa Rm. 2702, 27th flr. AIC Burgundy Tower, ADB Ave., Ortigas, Pasig City (likod ng Robinsons Galleria), kami ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 1:00 – 5:00 pm.

42

Related posts

Leave a Comment