CONG. TEVES NAKAHANAP NG KAKAMPI KAY ATTY. PANELO

PUNA ni JOEL AMONGO

PINUNA ni dating Presidential Chief Legal Counsel Secretary Atty. Salvador “Sal” Panelo na walang “due process” sa ginagawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nang hindi payagan si Negros Oriental 3rd District Representative Arnorlfo “Arnie” Teves na makapagpaliwanag sa pamamagitan ng zoom o virtual conferences.

“Ano ba ang due process, it hears before it condemns, nakikinig muna, bago ka hatulan, pero itong ginawa nila kay Cong. Teves, uulitin ko walang kinalaman ho ito kung may kasalanan siya o wala doon sa mga krimen na ipinatong sa kanya, iniimbestigahan siya, ang pinupunto ko po rito bilang isang abogado, at naniniwala sa sagradong probisyon ng salitang batas ng due process clause,” ani Panelo sa kanyang paliwanag sa SMINI.

Ipinunto rin ni Atty. Panelo, kinakailangan ang namamahala, ang gobyerno lalong-lalo ‘yung mga gumagawa ng batas, kailangan pong obserbahan nila yung “due process”, pakinggan nila ‘yung panig bago sila gumawa ng hakbangin at magbigay ng kaukulang kaparusahan.

“Bakit ko po sinasabi na violation of due process ‘yung suspension? Hingin n’yo ‘yung panig ni Cong. Teves at sabi naman ni Cong. Teves kasi ‘yung isyu ay nag-expired na ang travel clearance mo, Bakit ‘di ka pa umuuwi? Sabi naman ng Cong. Teves, magpapaliwanag po ako, pwede po ako’y mag-zoom, tinanggihan, ‘Hindi, binibigyan ka namin ng ultimatum 24-oras,’ Eh sa loob-loob ko lang, eh hindi n’yo nga alam kung nasaan ‘yan, bibigyan n’yo ng 24-oras, wala naman sa Pilipinas, paano makakarating ‘yan?” paglalahad pa ni Atty. Panelo sa Kamara.

“Pangalawa, ano po ang kaibahan ng isang tao na magpapaliwanag sa inyo sa pamamagitan ng zoom o virtual conference? Ang kongreso ay ginagamit n’yo po ‘yan, the world has adopted zoom, lahat ng sektor ng lipunan ginagamit na ‘yan. Napaka-epektibo n’yan napakadali, eh bakit? eh digital world na ngayon,” paliwanag pa ni Panelo.

“Bakit hindi n’yo pinagbigyan ‘yung mama, sabi n’yo magpaliwanag ka, oh sige, magpaliwag ako virtual, ‘Ah hindi pwede, punta ka dito, pagkatapos sabi n’yo, conducted a rigid and exhausted investigation, paano naging rigid and exhausted investigation yan? Eh ayaw n’yo ngang pakinggan, bago kayo humatol, pakinggan n’yo ‘yung panig, lalong-lalo pa,” banggit pa ni Atty. Panelo.

“Unang-una, mayroon pong pagkakataon, opisyal ng gobyerno, idinemanda, nakademanda, flight is indication of guilt, tumakas hindi lang isa dalawa, si Lacson at si Honasan, ito ngang isa hindi tumakas dati nang nasa abroad, so hindi tumatakas, bakit ayaw n’yong bigyan ng pagkakataon magpaliwanag?,” dagdag pa ni Panelo.

Pinuna rin ni Atty. Panelo na kahit isa man lang ay walang tumayo sa mga kongresista para kuwestiyunin ang suspension order na 60-days laban kay Cong. Teves.

“Teka mun, napakinggan n’yo ba ang side niya? Bakit nagrekomenda kayo ng suspension? Eh absent lang ang pinag-uusapan dito. Ang pag-absent n’ya raw ay sinira na ang dignidad, integridad ang reputasyon ng Kamara? Paano naman nangyari ‘yun eh absent ka lang? Eh ang dami-daming nag-a-absent sa inyo d’yan sa Kongreso at Senado, eh wala namang kayong ginagawa, kaya tuloy ang nangyayari eh parang pini-persecute n’yo ‘yung mama, kaya nagkakaroon siya ng bala laban sa inyo,” paliwanag pa ni Atty. Panelo.

Sinabi ni Panelo, bakit hindi sila maghintay, pagbigyan nila si Cong. Teves na magpaliwanag at ‘pag nakita nilang may mali ay saka sila magbaba ng kaparusahan sa kongresista.

“Yan ang tinatawag na due process, sa ngayon para sa akin, nilabag n’yo ang kanyang karapatan na itinatadhana sa Saligang Batas, expulsion naman ngayon, lalo na, it worst, suspension nga masama na, pakinggan n’yo, pabayaan n’yo siya magpaliwanag, pakinggan niyo ang kanyang paliwanag,” payo pa ni Atty. Panelo sa Kamara.

Ayon pa sa kanya, wala itong kinalaman sa pag-iimbestiga sa mga kasong illegal possession of firearm laban sa mambabatas, ito ay itinatadhana sa Saligang Batas.

“Napakahalaga, isa po sa nangunguna sa ‘Bill of Rights’ under Section 1 of Article 3, ang sinasabi po doon, ‘No persons shall be deprived of life, liberty, property without due process of law’, walang tao, walang mamamayan na tatanggalan ng buhay, kalayaan, ari-arian nang hindi dumaraan sa paraan na itinatakda ng batas, tinatawag na due process,” banggit pa niya.

“Ano ho ba ang ibig sabihin ng due process? Simpleng-simple lang po, ang ibig sabihin, hears before it condemns,” pagtatapos pa ni Atty. Panelo.

Nauna nang inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio na sumulat sila sa Kamara na hinihiling na mag-zoom o virtual conference si Cong. Teves para magpaliwanag subalit tinanggihan ito.

“Una, tinanggihan kami, pangalawa pumayag, at bandang huli, hindi na talaga pinayagan,” ayon pa kay Atty. Topacio.

Binanggit pa ni Atty. Topacio na nagtataka siya kung bakit pinagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno si Cong. Teves na wala namang malinaw na kaso laban sa kanya.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

112

Related posts

Leave a Comment