COURTESY RESIGNATION WA EPEK VS ILLEGAL DRUGS?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

TILA walang epekto sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs ang gimik ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjur Abalos, na panawagang courtesy resignation sa mga kernel at heneral ng pambansang pulisya.

Sa ating pagkakaalam, kung tumalab ang courtesy resignation sana ay wala nang kilo-kilong shabu na nahuhuli ngayon sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kamakailan lamang kaliwa’t kanan ang nangyaring pagkahuli ng kilo-kilong shabu.

Nauna nang sinabi ni Abalos na kaya nila ginawa ang panawagan na courtesy resignation sa matataas na mga opisyal ng PNP ay dahil sa pagkakahuli sa isang pulis sa Maynila na nag-iingat ng kilo-kilong shabu sa likod ng kanyang lending company.

Malamang may ikinanta ang pulis na may mas mataas pa sa kanya ang ranggo na nakikinabang sa kanilang ilegal na aktibidad.

Naging kontrobersyal din ang pagkakahuli sa ilang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mismong kanilang tanggapan sa Taguig City.

Ayon sa ating KAALAMAN, ang mga droga na nakumpiska sa mga opisyal ng PDEA at pulisya ay pawang mga recycled shabu mula sa kanilang isinagawang anti-drug operations.

Malamang ang paniwala ni Abalos sa kanyang diskarteng courtesy resignation ay magiging epektibo laban sa ilegal na droga, pero mukhang hindi tumalab.

Wala rin naman silang nailabas na pangalan o nakasuhan na opisyal ng pulisya na nasa likod ng mga nagre-recycle ng shabu.

Hanggang ngayon ay wala ring update sa isyung ito, kusa na lang nawala na parang bula.

Imbes na mawala ang mga shabu ay tila parang dumami pa ngayon.

Baka sa susunod nyan ay wala nang babanggitin na pulis na nasasangkot sa ilegal na droga para sabihin na malinis na sila sa pagpapakalat ng basurang ito (shabu) sa bansa.

Hindi kumbinsido ang taumbayan na wala nang kagawad ng PNP na protektor ng ilegal na droga sa bansa.

Hindi rin maglalakas-loob ang mga sibilyan na pumasok sa ilegal na gawain na ito kung walang awtoridad na nagmamando sa kanila.

Kung talagang tatrabahuin ng pulisya ang “honest to goodness” na kampanya laban sa ilegal na droga ay malamang sa malamang ay mapuksa ito nang hindi na kailangan pa ng panawagan na courtesy resignation sa kanila.

Ngayon dahil pumutok na malaking isyu ang pagkakapatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ay nawala na ang usapin sa courtesy resignation.

Kaya ngayon ay muli na namang namamayagpag ang mga sangkot sa illegal drugs.

Ika nga ng kasabihan “Kapag wala ang pusa, naglalaro ang daga”.

Dahil ang sentro ng konsentrasyon ng gobyerno ay sa pagkapatay kay Gov. Degamo, ang ibang mahahalagang isyu ay nawawala sa eksena.

‘Pag nawala sa eksena ay nawawala rin ang solusyon hanggang makalimutan na ito.

Kinalabasan tuloy ay nagiging ‘ningas kugon’ na lang ang opisina ng gobyerno sa problema na sinimulan, pero walang naging maayos na resulta o solusyon.

Pagka ganito lagi ang mangyayari ay patuloy na lulubog ang Pilipinas dahil magiging magulo ang ating kapaligiran sa dami ng mga drug addict dahil hindi rin mapuksa ang drug recycle system.

127

Related posts

Leave a Comment