MARAMING POWER TRIPPER SA IMMIGRATION

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TINGIN ko, ang daming power tripper na immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at kapag natiyempuhan mo ‘yung hindi pa nakapag-almusal at mainit ang ulo, patay kang traveler ka.

Sa tanang buhay ko, wala pa akong nakitang immigration officer na ngumiti habang sinusuri ang travel documents. Ang aangas ng mukha na parang nangungursunada lagi.

Pasensya na pero ang tingin sa kanila ng maraming Pinoy ay pawang ipinaglihi sa sama ng loob dahil ang susuplado at susuplada. Sabagay, ganoon yata sila sinanay sa trabaho dahil hindi lang sa Pinas masusungit ang immigration officers kundi sa ibang bansa rin.

Kadalasan, wala na sa hulog ang tanong ng ilang immigration officer tulad ng “Bakit ka pupunta ka sa Hong Kong” o kaya “Bakit sa Japan ka pupunta?” kaya talagang masasagot mo sila nang pabalang na “Gusto kong gumastos dun eh”.

Kaya naniniwala ako na napagtripan ang traveler na si Cham Tanteras at malas lang ng immigration personnel na bumiktima sa kanya dahil hindi ito nanahimik at isiniwalat ang kagaguhang naranasan niya sa sariling bansa.

Kung hindi siya napagtripan, hindi siya hahanapan ng year book para patunayan na nakatapos siya ng pag-aaral at sa tindi sa pagtrip sa kanya, naiwanan tuloy siya ng eroplano.

‘Yung sinasabi ng BI na naghihigpit lang sila dahil lumalala ang human trafficking bilang depensa sa viral video ni Tanteras, ay hindi katanggap-tanggap na katuwiran dahil sino ba ang dahilan kung bakit nakalalabas ang mga Pinoy na biktima ng human trafficking?

Hindi ba sangkatutak na immigration officers ang sabit sa human trafficking dahil kahit mga peke at kaduda-duda ang mga dokumento ay pinapaalis tulad tulad ng kaso ng mga Pinoy para magtrabaho sa cryptocurrency syndicate sa Cambodia?

Dahil sa koneksyon ng mga illegal recruiter sa Immigration nakakaalis ang mga biktima kapalit ng P75,000 hanggang P100,000 kada ulo na bayad sa tiwaling immigration officers. Base ‘yan sa impormasyong nakarating kay Sen. Risa Hontiveros.

Human trafficking din ba kamo? ‘Di ba mga tiwaling Immigration officers din ang sangkot sa multi-bilyong pastillas scam dahil pinapasok ang mga Chinese national sa Pilipinas para magtrabaho sa mga POGOhan na hindi inaalam kung talagang mga legal ang papeles ng mga dayuhang ito? Human trafficking ‘yan ha.

‘Yung mga sakay sa private jet na umalis sa Pilipinas na hindi inalam kung legal ba ang mga dokumento, hindi ba sabit din ang Immigration? Sino ngayon ang dahilan ng paglala ng human trafficking? Mismo ang gobyerno sa pamamagitan ng mga tiwali sa BI.

Hindi dapat idahilan ng BI na naghihigpit lang sila dahil marami ang apektado sa pagiging tripper ng ilan nilang mga tauhan dahil nalalabag ang ‘right to travel’ ng maraming Pinoy.

Kasama na dyan ‘yung kaibigan ko na dapat kasama natin sa biyahe noong nakaraang taon at ang tanging kasalanan ay kaiisyu lang ang kanyang bagong passport kaya siya nakuwestiyon at sa tagal niya sa Immigration Office sa NAIA ay naiwan siya ng eroplano.

148

Related posts

Leave a Comment