DAGDAG BEREAVEMENT LEAVE NG MANGGAGAWA ITINUTULAK NI CONG. RILLO

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na taon-taon ay ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa o Labor Day.

Ngunit nauuwi ito sa Araw ng Pagngawa kasi puro ngawa lang sila. ­Marami nga namang hinihingi ang manggagawa sa pamahalaan.

Siyempre, una na ang sapat na suweldo at ang magandang kondisyon o kalagayan sa kanilang pinapasukan. Hindi nga lang ito maibigay ng gobyerno.

Kung ang gobyerno ay hindi makapagbibigay, mas lalo namang hindi ang pribadong sektor.

Kapag nagtaas naman daw ng sahod ang private sector, magsasara sila. Lagi nilang ipinananakot iyan.

Kaya pipiliin na lamang ng mga manggagawa ang manahimik sa hinihiling na taas-sahod.

Isinusulong naman ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang panukala na magbibigay ng bereavement leave with pay sa mga namatayan ng kapamilya.

Batay sa House Bill 4340, pitong araw raw ang magiging leave with pay para sa mga namatayan ng asawa, magulang, anak, at half-blood brother o sister.

Sinasabing sa ilalim ng panukala ay hindi ­maaaring ibawas ang panukalang bereavement leave sa mga kasalukuyang leave na ibinibigay na ng batas, at ang mga employer na mabibigong magbigay ng bereavement leave ay pagmumultahin ng P20,000 at/o makukulong ng hanggang 30 araw.

Nawa’y maisakatuparan ito o suportahan ng iba pang mga mambabatas.

Ang lubhang nakaaawa ay ang mga manggagawa na niloloko ng kanilang employer.

Kahit sobra-sobra na sa oras ang pagtatrabaho ay hindi binabayaran ng OT o overtime. Mababa pa rin sa minimum ang kanilang sinasahod.

Kung hindi ako nagkakamali, sa National Capital Region (NCR) ay nasa P570 ang minimum wage.

Hindi lang increase at sapat na sahod, kailangan din ng proteksyon ng mga manggagawa. Nararapat ding tingnan ang kanilang kalagayan.

Aba’y kung hindi mabibigyan ng increase, pagaanin naman ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga nararapat at napapanahong benepisyo.

Tingnan ang kanilang kapakanan at siyasatin ang sunod-sunod na pagtaas ng langis para mabalanse ang lahat ng mga anggulo.

32

Related posts

Leave a Comment