KULAY PULITIKA DAHILAN NG PAGPIGIL KAY MAYOR DUMANJUG?

BISTADOR Ni RUDY SIM

NAGKAROON ng mainitang pagtatalo mula sa kampo ni Bonifacio, Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug kasama ng kanyang anak na babae na nahuling nakunan ng video habang ang mga ito ay tangkang harangin umano ng mga tauhan ng lokal na pulisya.

Si Dumanjug ay matatandaang binigyan ng 60 days preventive suspension mula noong Oktubre ng nakaraang taon dahil sa akusasyon na nagkaroon umano ng katiwalian sa panunungkulan nito.

Matapos ang suspensyon ay nagtungo sa munisipyo sina Mayor Dumanjug kasama ng kanyang daan-daang tagasuporta ngunit ang mga ito ay tangkang harangin umano sa pangunguna ni Bonifacio OIC police chief, Major Richel Sumagang na itinanggi naman nito at sinabing ipinatupad lamang ang peace and order dahil sa report na magkakaroon ng kaguluhan?

Hmm.. teka! Sino, Sir, ang manggugulo, si Mayor Dumanjug na sumunod lamang sa suspensyon sa kanya o ang ilang kalaban sa pulitika na nais na maagaw ang kapangyarihan? At bakit po kaya halos naka-full battle gear ang mga pulis na humarang kay Mayor? Nagtatanong lamang po.

Ngunit nanaig ang people power at buong tapang na hinarap ni Mayor Dumanjug ang mga awtoridad para makabalik sa puwesto kahit pa harangan ng matataas na kalibre ng armas upang ipagpatuloy ang paglilingkod sa taumbayan ng Bonifacio Misamis Occidental.

Sana’y huwag magpagamit ang pulisya sa away ng magkakaibang kulay ng pulitika at maging patas sa pagpapatupad ng peace and order, ayon sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Ito kaya ay dahil kabilang partido ng dilawan ang sinuportahan sa nagdaang halalan ni Mayor Dumanjug, kung kaya’t halos lahat ng butas ay sinisilip sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika? Dalawang taon na lamang at magkakaroon na naman ng eleksyon sa mga lokal na pamahalaan sa bansa, bakit hindi ninyo hintayin ang 2025 kung kayo ang iluklok sa puwesto ng taumbayan.

Napakahalaga talaga ngayon sa ating panahon ang pagkakaroon ng social media na siyang nagiging mata ng bawat isa at sandigan ng ating karapatan upang makita ang mapang-abuso sa kanilang kapangyarihan.

Upang maiwasan ang anomang namumuong apoy na maaaring sumiklab dahil posibleng nagagamit ang pulisya sa pulitika, ay dapat nang kumilos ang PNP provincial director na magkaroon ng reshuffle mula sa itinalagang hepe ng pulisya sa naturang munisipalidad.

Ito’y upang maiwasan ang kagaya sa madugong nangyari sa Maguindanao massacre noong November 23, 2009 na 58 buhay ang walang-awang pinatay dahil sa kulay ng pulitika na ikinadamay pa ng maraming miyembro ng media.

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa CP# 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

32

Related posts

Leave a Comment