DAPAT TIYAKIN NG GOBYERNO SEGURIDAD AT KABUHAYAN NG MGA MANGINGISDA

IBINULALAS ng mga mangingisda sa Masinloc, Zambales ang kanilang hinaing at hirap sa patuloy na panggigipit na ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Sa isang espesyal na sesyon ng House of the Representatives sa Masinloc, Zambales, ipinabatid ng mangingisdang si Nolly delos Santos ang kanilang daing at saloobin, na humantong sa paglabas ng emosyon na may pasaring sa mga mambabatas na kilala lang sila kapag eleksyon at pagdating sa problema ay nakalilimutan na sila.

Ayon kay Delos Santos, ang ayuda ay band-aid lang, at ang kailangan nila ay malayang pangingisda.

Humihingi ng tulong sa gobyerno ang mga mangingisda hinggil sa panggigipit ng China at banta nitong arestuhin ang mga pumasok sa inaangking katubigan gayung ito ay nasa loob ng Philippines exclusive economic zone.

Matatandaang naglabas ng kautusan ang China na huhulihin nito ang mga mangingisdang papasok sa Scarborough Shoal.

Ang regulasyon ng China ay nagpapahintulot sa China Coast Guard na ikulong ang mga trespasser sa South China Sea ng hanggang 60 araw umpisa sa Hunyo 15.

Sa nasabing public hearing ng House joint committee sa umano’y “gentleman’s agreement” hinggil sa Ayungin Shoal, nangako ang mga kongresista na tutulungan ang libu-libong mangingisda sa Zambales.

Pinangunahan ang pagdinig nina Iloilo Rep. Raul Tupas, vice chairperson ng National Defense Committee, at Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr.

Ayon kay Gonzales, ipararating niya at ng kanyang mga kasamahan kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinaing ng mga mangingisda.

Tiniyak din ni Zambales Rep. Jefferson na ginagawa ng pamahalaan ang pinakamaganda para protektahan ang mga mangingisda.

May mungkahi rin ang ilang mambabatas na pagkalooban ang mga mangingisdang Pilipino ng malaking barko na kumpleto sa mga gamit pang proteksyon.

Umapela na rin ang grupong Bigkis ng Mangingisda sa Philippine Coast Guard at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na bigyan sila ng seguridad habang nangingisda sa pinag-aagawang katubigan.

Ang kalagayan ng mga mangingisda sa Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc at Panatag Shoal, ay malaking hamon sa pamahalaan na ipakita ang kakayahang maprotektahan ang mamamayan na nabubuhay na may takot.

Ang kailangan ng mga mangingisda ay hindi ayuda, kundi ang ligtas at malayang pangingisda.

Ang mensaheng kilala lang ang maliliit na tao kapag eleksyon ay alingawngaw ng mga emosyon ng karamihan.

Ginagalugad ng mga politiko ang kahit pinakamalalayong lugar tuwing nangangampanya subalit kapag nahalal na (hindi naman lahat) ay nungka nang bumalik sa mga liblib na lugar.

Dapat tumbasan ng serbisyo ng halal ang mga taong hinimok nilang iluklok sila sa puwesto dahil ito ang pangunahing rason kaya sila ay nasa gobyerno.

Interes ng publiko ang inuuna nang mawala ang bintang at sumbat na nakakikilala at lumalapit lang sila dahil sa boto.

39

Related posts

Leave a Comment