DILG AT PNP, ALL OUT SA KASO NG PAGPATAY KAY GOV. ROEL DEGAMO

RAPIDO NI TULFO

MADADAGDAGAN pa raw ng 13 na kaso ang isasampa ng PNP laban sa mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo. Nauna nang naisampa ang 17 kaso.

Wala pa rin sa bansa ang itinuturong mastermind na si Negros Oriental Congressman Arnie Teves. Pero nilinaw ni DILG Sec. Benhur Abalos na hindi nila sinasabing si Cong. Teves na nga ang tunay na mastermind sa nangyaring krimen, sa kabila ng mga confession o pag-amin ng 2 sa apat na suspek.

Malinaw na nagiging maingat si Sec. Abalos sa pagmamando sa imbestigasyon sa kaso dahil sinabi na ni Cong. Teves nuong nakaraan na pinipersonal umano siya ni Abalos kaya siya nadidiin sa kaso ni Degamo.

Matagal nang maingay ang pangalan ng mga Teves sa Visayas dahil umano sa pagiging utak ng mga krimen sa Kabisayaan. Ayon sa report, takot umano ang mga residente na magsalita laban sa mga Teves dahil alam umano nilang may paglalagyan sila.

Kaya’t marami ang nagsimpatya sa pamilya Degamo nang iturong mastermind si Teves. Ayon sa mga miron, hindi imposibleng si Teves ang utak sa krimen.

Dapat ay matapos nang mabilis ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Gov. Degamo. Dito nakasalay kung gaano kaepektibo ang administrasyong Bongbong Marcos sa paghawak ng ganitong kaso. Hindi basta-bastang tao so Degamo at hindi rin basta-basta ang taong itinuturong utak.

Ang kaso ng krimen sa bansa na patuloy na tumataas ay dapat na matuldukan para naman hindi magmukhang dekorasyon lamang ang mga nakaupo sa gobyerno.

225

Related posts

Leave a Comment