DOT PROJECT SA ORIENTAL MINDORO SUPORTADO NG KAMARA

BALYADOR ni RONALD BULA

SUPORTADO ni Romblon Lone District Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, ang plano ng Department of Tourism (DOT) na maglatag ng mga proyekto para sa Oriental Mindoro matapos ang nangyaring oil spill sa karagatan ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Madrona, maganda ang plano ni Department of Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco para sa Oriental Mindoro pagkatapos ng mala-trahedyang gumimbal sa nasabing lalawigan bunsod ng nangyaring oil spill kung kaya’t nakatakdang buhayin ng DOT ang turismo sa nasabing lugar.

Naniniwala rin si Madrona na sakaling maisakatuparan ang pinaplano ng Tourism Department para sa Oriental Mindoro ay inaasahang ito ang magiging susunod na “cruise destination” at ang naturang lalawigan ay magiging pangunahing tourist destination naman sa hinaharap.

Ipinaliwanag ni Madrona na dahil sa magandang plano ng DOT para sa lalawigan, tuluyan nang makare-recover ang Oriental Mindoro mula sa oil spill.

Ang isa sa mga plano ng ahensiya ay ang buksan ang Tourist Rest Area (TRA) ng lalawigan sa Bongabong sa darating na taong 2024.

Binigyang diin ng mambabatas na maituturing na isang malaking “asset” ang Oriental Mindoro dahil sa pagiging isang “potential tourist destination” bunsod ng naggagandahang beaches nito, dive sites, mountains capes at makasaysayang mga kuweba (caves) na lalong nagpapatanyag sa lalawigan, na inaasahang maghahatak ng maraming turista.

Samantala, binigyang diin din ng chairman ng House Committee on Tourism, ang kahalagahan at mahalagang papel na ginagampanan ng Philippine tourism para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa partikular na ang pagpapatanyag sa Pilipinas bilang isang “World Class Tourism destination”.

Sinabi ni Madrona, dapat makita ng mamamayang Pilipino ang mahalagang papel o “vital role” na ginagampanan ng Philippine tourism para unti-unting makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa kinasadlakan nitong krisis sa nakalipas na panahon.

Iginiit ni Madrona na ang turismo ng bansa ang isa sa mga sinasandalan ng gobyerno at nagbibigay ng napakalaking kontribusyon para sa tinatawag na “economic development” bunsod ng pagdagsa ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Ganito rin ang naging pananaw ni Sec. Frasco na nagsabing ang Philippine tourism ang isa sa priority programs ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sapagkat nakikita nito ang kahalagahan ng turismo sa ekonomiya ng bansa.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

82

Related posts

Leave a Comment