SERBISYO NG BATELEC SA BATANGAS, INALMAHAN NG CONSUMERS

UMALMA na ang mga residente ng iba’t ibang bayan ng Batangas sa umano’y hindi maayos na serbisyo ng Batangas Electric Cooperative (Batelec) bilang kanilang electric power provider.

Halos iisa ang idinadaing ng kanilang consumers, ang malimit na brown-out sa kani-kanilang lugar at ang mataas na singil nito.

Ayon sa mga residente, malaking perwisyo sa kanila ang mga biglaang nangyayaring brown-out at maging ang mga schedule brown-out na kalimitan ay tumatagal ng maghapon at magdamag.

Ayon sa negosyanteng si Nina Bilogo ng Taysan, Batangas, may-ari ng isang piggery, apektado ng brown-out ang kanyang babuyan dahil kasabay ng pagkawala ng power ay ang pagkawala rin ng tubig na kailangang-kailangan sa kanilang piggery.

Si Mae Panganiban, isang housewife na taga Lobo, Batangas, apektado naman ang kalusugan at maging ang kanilang mga anak dahil sa malimit na magdamagang brownout na kanilang ikinapupuyat at ipinagkakasakit ng mga bata dahil sa sobrang init.

Sina Ruth Manguiat ng Mabini, Batangas at Yanna Yee ng Lipa City, na kapwa online worker at parehong work from home, ay hirap naman sa paghahanap ng lugar kung saan may power at may internet connection kapag nag-brown-out na sa kanilang bayan.

Dumarayo na lamang aniya sila sa bahay ng kanilang mga kaanak na taga ibang bayan at sa hindi brown-out na lugar.

Ayon pa sa consumers, hindi lang trabaho at kalusugan ang apektado kundi ang pagkasira rin ng kanilang electrical appliances dahil sa patay-sindi at biglaang balik ng power.

Dalawang miyembro na rin ng Sangguniang bayan ng Lobo na sina Konsehal John Michael Anyayahan at Konsehal Mark Tiu ang nagpahayag na rin ng kanilang pagkadismaya sa serbisyo ng Batelec.

Gumagawa na rin ang mga ito ng resolusyon na kanilang ipararating sa matataas na mga opisyal ng Batangas at maging sa Kongreso kung paano masusulosyunan ang kanilang problema.

(NILOU DEL CARMEN)

157

Related posts

Leave a Comment