DRUG WAR

BAGWIS

Sa kabila ng tinatawag na drug war ng pamahalaan, tila ‘di naman nababawasan ang dami ng mga adik at mga tulak ng ilegal na droga. Maging si Pangulong Digong ay umamin na nahihirapan ang kanyang pamahalaan na tuluyan nang wakasan ang paglipana ng mga ipinagbabawal na gamot sa ating mga pamayanan.

Sa totoo lang, madaling sabihin ngunit napakalabong mangyari na magiging drug-free ang Pinas sa ilalim ni Pa­ngulong Digong o nang kung kanino mang administrasyon. Kahit araw-araw na pagpapatayin ang mga piyait na tulak ay hindi mauubos ang suplay ng ilegal na droga hangga’t untouchable ang mga tunay na drug supplier at mga protektor ng mga ito.

Hindi natin tuloy masisi ang ilan nating kababayan na ngayon ay nagdududa kung totoo nga ba itong drug war ni Pangulong Digong. Ayon sa kanila, puro smalltime lang ang nadadale sa madugong digmaan laban sa ilegal na droga ngunit tila untouchable naman ang mga drug lords kasama na ang ilang pangalan na gaya ni Peter Lim na nauna nang pinagbantaan ni Pangulong Digong na kanyang papatayin.

Tila mas nagiging talamak din ang pagpasok ng ilegal na droga galing sa ibang bansa partikular ang bansang China na pinakapaboritong kaibigang bansa ni Pangulong Digong. Halos lahat ng mga nahuhuli na bultu-bultong shabu ay may tatak China at sa kabila nito ay wala tayong naririnig na malulutong na mura mula sa Pangulo.

Coincidence lamang kaya na tila lalong bumubuhos pa ang suplay ng shabu sa ating bansa ngayong sanggang-dikit natin ang bansang China?

Sa ngayon, hindi natin matutumbok kung ano nga ba ang koneksyon na mas pi­naigting na pakikipagkaibigan natin sa bansang China sa lumalalang problema pa natin sa ilegal na droga. Ngunit ang tinitiyak natin ay hindi mamamatay ang usaping ito hanggang matapos ang termino ng Pangulo.

In the meantime, malinaw sa atin na hindi magbabago ang direksiyon ng polisiya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Tiyak na tuluy-tuloy pa rin ang mga patayan na kinakasangkutan ng mga street level pushers at mga raids sa mga diumano’y drug laboratory na pawang mga tauhan lamang ang laman.

At hangga’t walang tunay na bigtime na drug lord ang nahuhuli o natitigok sa kasalukuyang drug war, hindi mawawala ang mga agam-agam kung may patutunguhan nga ba ito o ito’y isa lamang na malaking panloloko. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

118

Related posts