DUSA NA NAMAN MGA MANANAKAY

EDITORIAL

AARANGKADA ngayon ang dalawang araw na tigil-pasada na ikinasa ng mga transport group na Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) bilang protesta sa nalalapit na deadline para sa consolidation ng prangkisa sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization ng pamahalaan.

Mula noong isang taon ay ilang ulit nang nagsagawa ng tigil-pasada ang dalawang transport group laban sa deadline ng franchise consolidation, at ngayon ang panibagong protesta matapos muling nilinaw ni Pangulong Marcos na wala nang mangyayaring extension sa deadline na nakatakda sa Abril 30, ngayong taon.

Nagmamatigas ang ilang grupo ng transport group, na tinapatan din ng matigas na paninindigan ng pamahalaan, ngunit ang higit na apektado ay ang mga mananakay na maghahabulan na naman para makasakay. Apektado ng tigil-pasada ang 13 ruta sa Kamaynilaan at ibang lugar sa bansa.

Handa ang Metro Manila Council sakaling maparalisa ang biyahe ng mga pampublikong transportasyon.

Handa rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglalagay ng mga tauhan at sasakyan sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng protesta.

Ang paghahanda ng mga awtoridad sa epekto ng tigil-biyahe ay iniugnay ng ilan sa inatras na pagpapaaga ng pasok sa mga kawani ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Imbes na ngayon, Abril 15, ay atrasado sa Mayo 2 ang pagpapaaga ng pasok sa mga kawani ng pamahalaan.

Ngunit, paglilinaw ng Metro Manila Council, ang ipinagpaliban na pagpapatupad ng 7-4 na pinaagang pasok ay hindi dahil sa tigil-pasada.

Halos 500,000 commuter sa Kamaynilaan ay kawani ng gobyerno.

Ang pinaagang pasok sa gobyerno ay isa sa solusyong susubukan ng pamahalaan para bawasan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Susubukan pa lang ang pinaagang pasok na dapat nang isinabay ang simula ng tigil-pasada nang makita ng pamahalaan ang epekto ng dalawang kaganapan sa trapiko at sistema ng transportasyon.

Tulad ng gulong, iikot lamang ang problema, papaimbabaw at papailalim, ngunit lilitaw pa rin.

Nasa kamay ng gobyerno ang baton para sa solusyon na kailangan ng ora mismong implementasyon.

Konsolidasyon lang ba ang kinokontra ng ilang transport group kaya nagsasagawa ng tigil-pasada, at pagpapaaga ba ng pasok sa mga kawani ng gobyerno ang maaaring isa sa solusyon para ibsan ang mabigat na trapiko sa Kamaynilaan?

Ito ang mga tanong na hindi dapat tigilan ng pag-iisip nang hindi maging masikip ang buhay ng mamamayan.

67

Related posts

Leave a Comment