EXTORTIONIST SA VCD, KINAMPIHAN NI REMULLA?

BISTADOR ni RUDY SIM

DISMAYADO ang maraming mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa mistulang pulitika na naman na nangyayari muli ngayon sa ahensya makaraang sumasawsaw ang Senado sa sinasabing katiwalian sa mga nakalusot na 9g commercial visa ng Chinese nationals na pawang peke umano ang mga kompanyang ginamit.

Matatandaang mismong si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla ang nagsiwalat noong nakaraang taon na kanyang iniutos na imbestigahan at panagutin ang mga opisyales at travel agencies na nasa likod nito.

Teka muna! Alam kaya ni Remulla kung ano ang tunay na kuwento na tila naging bida pa ang isang tanggapan ng ahensya na nakadiskubre “kuno”, ang Verification and Compliance Division (VCD).

Bago pa man isiniwalat ni Remulla ang isyung ito ay nauna na nating ibinisto ang maruming raket ng ilang mga tauhan ng VCD na tinawag nating “Kpop-pangit group” na sa tuwing mayroon silang nasisilip na huwad na dokumento ay kanilang tinatawagan umano ang travel agency na gumawa at naglakad nito at kanilang tatakutin na kakasuhan at tatanggalan ng accreditation kung hindi aareglo ng malaking halaga.

Dahil sa ating pambibisto sa raket na ito ng ilang mga tauhan ng BI-VCD, ay agad silang naghugas ng kamay at nagturo upang mapagtakpan ang kanilang baho. Nakasisiguro kaya ang DOJ na lahat ng travel agencies na nagpalusot ng dokumento, ay naisama sa listahan?

Mayroon tayong nakuhang impormasyon na marami sa mga ito ang umareglo umano sa ilang mga tauhan ng VCD at nagbigay ng malaking halaga upang hindi maisama sa mga iniimbestigahan, isa na rito umano ang isang dating travel agency ng isang Taiwanese national na idineport ng BI noong 2022, na fugitive sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga, at paano kayang nakalusot sa accreditation unit na nabigyan ito ng panibagong lisensya? Magkano? ‘Yan ang dapat ding tingnan ni Remulla, hindi ‘yung banat ka nang banat sa harap ng media na sablay naman.

Ano nanaman kaya ang plano ni Bondying sa BI matapos nitong lusawin ang Port Operations Division sa airport, nawala na kaya ang katiwalian? Are you sure, Sir?

Sakaling may katiwaliang nangyari hindi ba’t ang DOLE ang dapat na mas imbestigahan dahil sila ang nag-issue ng Alien Employment Permit para sa mga dayuhang nag-apply ng kanilang working visa. Ano ba ang silbi ng VCD, bakit kailangan nilang busisiin muli ang dokumento samantalang natapos na itong dumaan sa proseso, hindi ba dapat ay bago aprubahan ang mga Visa ay doon nila tingnan kung mayroong pagkakamali?

Ang dating tahimik na tanggapan pagdating sa pangingikil, ngayon ay lumalabas pa na bida sa pelikula. Sino ang director, si Sec. Boying?

Samantala, Dapat sana imbestigahan ni Remulla ang raket ng ilang mga tauhan ng Ocom sa pag-bargain ng presyo ng ‘lifting of blacklist’ ng Chinese nationals na nasa POGO list. Ang detalye sa susunod!!

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

205

Related posts

Leave a Comment