GEN. AZURIN AT GEN. SANTOS MAGKAMAG-ANAK DAW?

RAPIDO NI TULFO

MAGPINSAN daw itong si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. at si Lt. Gen. Benjamin Santos Jr., na isa sa mga isinalang sa imbestigasyon na isinasagawa ngayon ng DILG, na may kinalaman sa 990 kgs ng shabu na nasabat last year. Ito ay ayon sa impormasyon na ibinigay sa atin ng isang mapagkakatiwalaang source.

Bukod pa diyan, magka-partner din daw ang dalawa sa isang negosyo kung saan kasama rin nila ang isa pang kontrobersiyal na personalidad noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na si Senior Supt. Eduardo Acierto, dawit naman umano si Acierto sa shabu shipments na nagkakahalaga rin ng bilyong piso noong 2019.

Ang tatlong opisyal ay mga miyembro ng PMA Makatao Class of 1989.

Nasasangkot ngayon sa kontrobersiya si Gen. Santos matapos na maisama ang pangalan nito sa 42 PNP officials na sinabihan ni DILG Sec. Benhur Abalos na mag-leave muna dahil sa mga alegasyon na may kinalaman ang mga ito sa 990 kgs shabu operation na nagkakahalaga ng P6.7 billion noong nakaraang taon sa Tondo. Nahuli rin sa operasyon si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo na nasa sentro ng kontrobersiya ngayon.

Dahil ayon sa pahayag ng kalihim ng DILG, may hawak silang kopya ng CCTV kung saan tinanggalan daw ng posas ng ilang sangkot na opisyal ng PNP si Mayo matapos na maaresto ito.

Ayon sa unang report ng mga sangkot, nasa 30 kgs lang ang nawawalang bag ng shabu. Pero nang ito ay marekober, nasa 42 kgs pala.

Coincidentally, pareho lang daw ng bilang ang nawawalang shabu na parte ng 990 kgs na nakumpiska sa bilang ng PNP officials na pinag-leave muna ni Sec. Abalos, na 42!

Bagama’t masama ang loob dahil sa pagkakasama ng kanilang mga pangalan sa imbestigasyon na isinasagawa ngayon ng Department of the Interior and Local Government, nangako ang PNP officials na makikipagtulungan sa DILG.

Matapos na bumaba sa pwesto si Pangulong Duterte, mukhang bumalik na sa dati ang problema sa ilegal na droga! Ayon sa isang tip na ating natanggap, talamak na naman daw ang bentahan ng droga sa Pandacan at Sta. Mesa sa Maynila.

199

Related posts

Leave a Comment