HANGGANG BALIK-TANAW NA LANG SA EDSA REVOLUTION

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IPINAGDIWANG at sinariwa kahapon ang ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ang makasaysayang rebolusyon na naging bantog sa buong mundo ay nagpabagsak sa administrasyon ng diktador na si Ferdinand Marcos, Sr.

Buhay pa ba ang diwa ng apat na araw na rebolusyon, ng serye ng mga pangyayari noong Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986 na tumatak sa kasaysayan ng bansa?

Hanggang balik-tanaw na lang ba tayo sa panahong bumagsak ang diktadurya at bumangon ang kalayaan at demokrasya?

Sinasariwa ang alaala lalo pa’t ito ay mahalaga at makabuluhan.

Ang rebolusyon ay sinindihan ng mga sundalo sa pangunguna ng noo’y Defense Minister Juan Ponce Enrile at Vice Chief of Staff Fidel Ramos na tumalikod kay Marcos noong Pebrero 22, 1986, makaraan ang dayaan sa snap presidential election.

Sa snap election, lamang si Cory Aquino sa unofficial tally ng NAMFREL subalit nang umpisahan ang opisyal na pagbibilang lumamang si Marcos na naging dahilan ng pag-walkout ng 30 Comelec computer technicians bilang protesta sa umano’y pakikialam sa resulta.

Dineklara ng Batasang Pambansa si Marcos na nagwagi subalit nagkaroon si Aquino ng victory rally at nanawagan ng pagsuway na pangmamamayan na minarkahan ng welga at boykot ng media, bangko at ibang negosyo na pag-aari at tagasuporta ni Marcos at mga crony nito.

Madaling araw ng Pebrero 22, 1986, tinapos ni Enrile ang planong kudeta na pamumunuan ni Col. Gregorio “Gringo” Honasan. Aatakehin ang Malacañang at idideklara ni Enrile ang sarili bilang pinuno ng ruling junta.

Natunugan ang plano.

Humingi ng suporta si Enrile kay Ramos at sa Camp Crame, inihayag nila ang depeksyon kay Marcos.

Sa Radio Veritas, nanawagan si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mga tao na suportahan sina Enrile at Ramos.

Libo-libong tao ang nagmartsa patungong Camp Crame at Camp Aguinaldo para protektahan ang mga rebeldeng sundalo. Inaliw nila ang mga sarili ng musika, dasal at pagdalo ng misa sa ginawang mga altar, gumawa ng mga barikada.

Matensyon ang mga eksena. Nakaantig ang mga kaganapan. Hinaharang ng mga katawan ang mga tangke na hindi magawang paputukan ang hukbo. Bulaklak ang alay ng mga madre sa mga sundalong nakaumang ang mga baril sa kanila. Bulaklak laban sa bala. Panalangin ang sandata laban sa puwersang makapangyarihan.

Dumami ang mga opisyal ng militar at gobyerno na sumama sa panig ng mga rebelde, ngunit hindi isinuko ni Marcos ang kapangyarihan.

Umaga ng Pebrero 25, sa Club Filipino sa San Juan, nanumpa si Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas.

Nang araw ding iyon, ginanap ang inagurasyon ni Marcos, ngunit ang live coverage ay naputol nang pabagsakin ang television transmitter. Kasunod nito, matapos ang negosasyon sa Estados Unidos, umalis si Marcos at ang kanyang pamilya sa Palasyo.

Ang lansangan na puno ng tensyon ay naging daan ng kagalakan. Ang payapang protesta ay nagpabagsak sa diktadurya.

Nakalipas na ang 38 taon. Nananatili pa bang buhay ang diwa ng EDSA Revolution? O hanggang balik-tanaw na lang ito?

Mahalagang sariwain ang kasaysayan. Hindi kukupas ang diwa kung gugunitain ito nang buong puso.

Ang kasaysayan ay magbabago at magpapabago sa tao, ngunit hindi tao ang babago sa nakalipas na mahalagang pangyayari.

98

Related posts

Leave a Comment