PAGTUTULUNGAN NG PAMAHALAAN AT PRIBADONG SEKTOR

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PARA higit na masigurong maraming Pilipino ang makikinabang sa mga proyekto ng pamahalaan, napakahalagang suportado ito ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Kasama na siyempre ang pribadong sektor na malaki rin ang papel na ginagampanan sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng kahit anong bansa.

Isang magandang demonstrasyon ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor ang kakaanunsyo lamang na pirmahan sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at Meralco.

Ito ay para sa matagal na nating inaasam-asam na proyektong inaasahang mapabuti ang lagay ng transportasyon sa bansa!

Kasalukuyang tinatrabaho ng DOTr ang kauna-unang underground railway sa bansang tinawag na Metro Manila Subway.

Kapag nagsimula na ang operasyon nito, tiyak na maraming Pilipinong komyuter ang makikinabang at mas giginhawa ang pagbiyahe.

Ayon sa DOTr, ang Metro Manila Subway ay babagtas sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.

Mula isang oras at 10 minuto, mapapaiksi sa 45 minuto na lamang ang haba ng biyahe sa pagitan ng dalawang lungsod.

Nakasasabik ang mga ganitong proyekto, dahil ang mas mabuting imprastrakturang kagaya nito ay siguradong may magandang epekto sa ating mga Pilipino.

Bagama’t may kaunting abala habang ginagawa pa ang proyekto pero siyempre, dapat nating pagtuunan ng pansin kung ano ba ang pangmatagalang epekto at benepisyo nito sa atin.

Kagaya ng ibang bansa kung saan maaasahan ang pampublikong transportasyon, maaari rin itong makatulong para mapaluwag kahit papaano ang lagay ng trapiko na kadalasan inirereklamo natin.

Kung mas maraming opsyon sa transportasyon, at ‘di na masyado kinakailangang gumamit ng sasakyan para bumiyahe, siguradong gagaan kahit papaano ang buhay ng maraming komyuter.

Batid din ng Meralco ang kahalagahan ng proyektong ito kaya nga siniguro na rịn ng kumpanya na magkakaroon ng tuluy-tuloy at maasahang suplay ng kuryente para sa itinatayong Metro Manila Subway.

Pumirma ang DOTr at Meralco ng kasunduan para sa itatayong bagong switching station sa Barangay Ugong, Valenzuela City — na siya mismong magkokonekta ng sistema ng subway sa distribution network ng Meralco.

Naglaan ang Meralco ng P280-milyong pondo para dito, at magsisimula na ang pagtatayo ng switching station para matapos sa 2026.

Si DOTr Secretary Jaime Bautista na mismo ang nagsabi na mahalaga ang gagawing ito ng Meralco para sa Metro Manila Subway.

Dagdag pa niya, nagbibigay rin ito ng mas malalim na kahulugan sa pagtutulungan ng pampubliko at pribadong mga sektor dahil talaga namang malaki ang benepisyo para sa mga pasaherong makikinabang sa mas komportable, abot-kaya, at ligtas na biyahe.

Pareho rin ang pananaw ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho na naglahad ng buong suporta ng kumpanya sa layunin ng proyektong mapabuti ang sistema ng transportasyon at kapakanan ng mga komyuter sa bansa.

Ayon kay Aperocho, magdudulot ng malaking pagbabago ang Metro Manila Subway sa pamumuhay sa sentro ng ekonomiya ng bansa. Bukod pa rito, patuloy rin ang kumpanya sa pagsuporta sa mga programa sa ilalim ng socio-economic agenda na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.

Walang hindi maganda sa pagtutulungang ito ng pamahalaan at pribadong sektor at kailangan nating suportahan ang ganito dahil nagdudulot ito ng maraming benepisyo sa lipunan. Mahalaga ang kooperasyon para maging mas epektibo ang implementasyon ng mga proyekto at programa dahil batid ng dalawang sektor na ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit sa mamamayan at pagsusulong ng mga innovation na magdudulot ng pangmatagalang kaunlaran ng ating bansa.

123

Related posts

Leave a Comment