HANGGANG KAILAN MAGTITIMPI SI JUAN?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MADALAS ginagawang pampakalma sa samu’t saring isyu na nakadaragdag sa pangamba at inseguridad ng mamamayan tungkol sa estado ng kanilang buhay, ay ang gasgas nang alibi na mahaba kasi ang pasensya ng mga Pilipino kaya kahit nasa tungki na ng kanilang ilong ang pagpapabaya at pang-aabuso ng mga nasa poder ay hindi pa nila maamoy.

Minamaliit, minamata at harap-harapang iniinsulto, subalit ni hindi umiimik at pinababayaan o pinalalampas na lamang.

Sa madaling sabi, madaling magpaubaya ang mga Pinoy.

Kaya pinababayaan na lamang ang mga ginagawa ng mga onorable kahit pasakit at kawalan ng malasakit at serbisyo ang hatid nito sa mga tao dahil isinuko na nila ang pag-asam sa himutok na “wala namang mangyayari” kahit anong reklamo at batikos ang gawin.

Kaya naman habang abala ang mga politiko sa kanya-kanyang drama at eksena ay ayaw nang indahin ng karamihan ang problema.

At habang nakatutok ang karamihan sa nakaiirita nang usapin sa CIF o confidential and intelligence fund at national budget ay heto, lumabas ang dapat pagtuunan ng pansin – ang lalong bumilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong Agosto.

Lumobo ang inflation rate nitong Agosto sa 5.3% dahil sa presyo ng pagkain, partikular ang “heavily-weighted food” at “non-alcoholic beverages”. Ito ay mula sa 4.7% noong Hulyo 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Bukod sa mas mataas na year-on-year increase sa pagkain at hindi nakalalasing na inumin, mayroon ding pagtaas na 0.2% sa transportasyon mula sa taunang pagbaba na -4.7% noong Hulyo 2023. Ito ay kasabay ng umento ng pamasahe sa LRT-1 at LRT-2 simula Agosto 2.

Ang food inflation sa national level ay tumaas sa 8.2% nitong Agosto 2023 mula 6.3% noong Hulyo 2023.

Ang cereals at cereal produces gaya ng bigas, mais, harina, tinapay, at mga produktong panaderya ay may pinakamalaking ambag (35% share) sa food inflation sa nasabing buwan.

Kaya habang nakasentro ang atensyon ng mga onorable sa mga kabalbalan at kababawan ay abala ang mga tao na masalbahan ang mabilis na pagtaas ng mga bilihin.

Baka naman daanin muli sa EO ang paglaban na maibaba ang implasyon.

Ginawa na rin lang sa pagpapatupad ng price ceiling ng bigas, posible ring gawin sa inflation – itakda sa limit kumbaga.

Pwede namang pakiusapan ang mga apektado na magsakripisyo.

Sa EO na lang daanin ang solusyon sa mga problema sa bansa. Magkaroon na lang ng hangganan sa lahat ng presyo ng pagkain at mga produkto.

Bigyan na rin lagi ng Kongreso ng ‘parliamentary courtesy’ ang matataas na opisyal ng bansa para maisalba sa ‘gisa’ ng mga mambabatas.

Sanay naman ang mga Pinoy sa kahirapan, at mahaba rin ang pasensya kaya huwag nang bigyan ng respeto at kortesiya.

Basura lang naman ang ibang mahihirap na pwedeng itapon.

Basura kapag pinag-uusapan ang kanilang kapakanan at social services na nararapat sa kanila, pero ginto ang turing tuwing eleksyon.

Kaya mo pa ba?

167

Related posts

Leave a Comment