HANGGANG PANGAKO NA LANG

EDITORIAL

MALAKI ang itinaas ng presyo ng bigas, na umabot na sa P56 ang bawat kilo.

Dahil dito, inutusan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na mahigpit na bantayan ang presyo ng bigas at habulin ang mga hoarder at nagmamanipula ng presyo.

Kumapit na lamang sa tiwala si Marcos na magiging matatag na ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw dahil magsisimula na ang panahon ng anihan ng palay at malaki ang maiaambag nito sa suplay ng bansa.

Nauna nang ginawang dahilan ni Marcos sa pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan ang mahal na farmgate price at importasyon.

Sinabi ni Marcos na magiging matatag lamang ang presyo ng bigas kapag dumami ang suplay at humaba ang reserba ng bigas.

Hanggang monitor lang ang kayang gawin ng pamahalaan bilang agarang pampakalma sa pahirap pang kalagayan ng mga Pilipino?

Aasahan ng pamahalaan ang nalalapit na anihan, ngunit dapat nilang isipin ang kapakanan ng mga magsasaka na gumastos ng malaki pero nanganganib na mawala ang masaganang kita sakaling bumaba ang presyo ng bigas.

Hindi ito ang dapat na mangyari. Paano mahihikayat ang mga magsasaka na ituloy ang pagbubungkal ng lupa kung ang farmgate price ay hindi resonable?

Hindi makatarungan sa mga magsasaka ang biglang pagbagsak ng presyo ng bigas sa panahon ng anihan.

Ang pagbaba ng presyo ng bigas ay nangangahulugang ibababa muna ang presyo ng palay.

Lugi ang mga magsasaka kaya madalas na binebenta nila ang palay at bigas sa mga pribadong mangangalakal dahil mababa ang alok na presyo ng NFA. May epekto ito sa reserba ng NFA.

Ang gastos sa pagsasaka ay tumataas kaya paano sila kikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya kung babaratin sila sa farmgate price upang makamit lamang ng pamahalaan ang inaasam na pagiging matatag ng presyo ng bigas.

Dapat linawin ng pamahalaan ang sukatan ng matatag na presyo.

Pero ang tiyak, malayo ito sa magaan na presyo na kaya ng mga Pilipino, partikular ang mahihirap.

Sigurado rin na mas malayo ito sa ipinangakong 20 piso bawat kilo.

Hindi dapat nangangako, nagpapaasa at nagtataya kung hindi pinag-isipan ang magiging bunga.

248

Related posts

Leave a Comment