HAYAHAY ANG BUHAY SA PANG-EKONOMIYANG PROYEKTO

MALAKI ang maitutulong ng pagbubukas ng 18 kilometro na Metro Manila Skyway Stage 3 project sa pagluwag ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Magdudugtong ang elevated expressways sa South Luzon ­Expressway (SLEX) mula sa Buendia, Makati sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City.

May 55,000 motorista mula Makati ang makakarating sa ­Balintawak sa loob na lamang ng 30-minuto araw-araw kumpara sa dating 2 oras na pagbibiyahe sa EDSA dahil sa sobrang sikip ng trapiko.

Kaya naman pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at San Miguel Corporation (SMC) na nagtulong para matapos ang proyekto.

‘Di pinalagpas ng Pangulo ang pagkakataon para punahin ang mga tiwaling kawani ng gobyerno habang pinapasiyahan ang pagbubukas ng Skyway 3.

Ayon sa Pangulo, sana ang susunod na presidente ng bansa ay maging masigasig at determinado na tanggalin at sawatahin ang nakaugaliang paraan at raket ng mga kawani ng gobyerno na naghahanap ng mga bidding tapos paghati-hatian lang nila.

Tinutukoy niya, ang mga kontraktor na nakikipagsabwatan sa mga lokal na opisyal sa pagsasamantala sa mga proyekto para ilegal na kumita sa halip na isipin ang ­ikakabuti nito sa buhay ng mamayan.

Kasabay nito, nakiusap ang Pangulo na sana tigilan na ng mga hukom sa Mataas na Hukuman ang pag-iisyu ng walang katuturang Temporary Restraining Order (TRO) sa mga importanteng proyekto na sanhi para maantala ang pagkumpleto ng mga programa na magsusulong sana ng ekonomiya ng bansa.

“Sabi ko ‘Stop it.’ Kung walang sapat na basehan na may katiwalian silang nakita sa mga proyekto, huwag na sila ang maging dahilan para mas ma-delay pa ang mga ito at pigilan ang pag-unlad ng bansa,” ayon sa presidente.

Tama ang Pangulo, sa kanyang pagPUNA, pero sana bigyan pansin din ng presidente ang mga isyu sa iba pang mga proyekto na may malaking maitutulong din sa ating bansa at ikakaginhawa ng buhay ng masang Pilipino.

Ilan kasi sa mga proyekto sa enerhiya na kung nasimulan na agad ay maglilikha sana ng libu-libong hanapbuhay sa mga Pilipino, bukod pa sa magsisiguro na mababawasan ang blackout lalo na sa nalalapit na tag-araw.

Ang siste, patuloy ang pakikialam ng mga dilawan kasama na ang ilang maka-kaliwang kongresista katulad ni Carlos isagani Zarate ng Bayan Muna party list, ayaw nilang magtagumpay ang mga proyektong enerhiya.

Nagkukunwari siya na prino-protektahan nila ang interes ng bayan pero kung masusing titignan ang kanilang mga statement, maliwanag na panlalansi ang ginagawa nila sa taumbayan.

Maka-ilang beses nang nag-isyu ng statement si Zarate na walang basehan laban sa mga kumpanya tulad ng MERALCO. Kaakibat nito ang patuloy na pagkuwestiyon ni Zarate sa isang supplier ng MERALCO, ang Meralco ­Powergen at MGEN.

Katulad ng San Miguel Corporation, naglagay ng malaking puhunan ang MGEN para magtayo ang Atimonan One Energy (1E) ng planta ng enerhiya sa Atimonan.

Nangunguna si Zarate sa pagtutol sa proyektong ito, na kung matutuloy ay magbibigay ng libu-libong trabaho sa mga residente ng Atimonan at magdadagdag sa kinakailangan na base load ­capacity sa Luzon upang maiwasan ang pagnipis ng suplay ng kuryente sa bansa.

Baka naman pwede ring bigyan tugon ng pangulo at kaniyang gabinete ang isyung ito na may malaking benepisyong maidudulot sa ating ekonomiya kaysa sa isunusulong ni Zarate.

Ang CSP kinuwestiyon ni Zarate, pero ang FIT ay ­patay-malisya siya.

Kinukwestiyon din niya ang competitive selection process (CSP) bidding ng Meralco para maigawad sa tamang supplier ang pagprodyus ng enerhiya.

Pero bakit kaya hindi k­inukwestyon ni Zarate kung paano naging karapat-dapat ang mga Lopez, na nagmamay-ari ng nasarang ABS-CBN, na makopo ang (Feed-in-Tariff) FIT?

Ang FIT ay hindi napagpasyahan sa pamamagitan ng isang bidding na tulad ng CSP kaya paano masasabing ang isang kumpanya ay karapat-dapat na mangolekta ng FIT?

Kamakailan lamang pinahintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang National Transmission Corporation (Transco) na mangolekta ng isang FIT lahat ng katumbas ng P0.0983 kada kilowatt-hour (kwh) na epektibo sa susunod na ikot ng pagsingil. Sa konsyumer ipapasa ang karagdagang na singil sa FIT.

Imbes na makalilikha sana ng trabaho ang proyekto, hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin.

Dalawang taon ng nakakuha ang A1E ng sertipikasyon na ito ay ‘energy project of national significance’, pero hanggang ngayon dahil sa pagtutol nina Zarate, kaya nakabinbin pa rin ang konstruksiyon ng planta sa Atimonan.

May multiplier effect sana sa komunidad ng Atimonan kung matutuloy ang pagtatayo ng planta ng A1E. Ito ay magbubunga ng pag-usbong ng mga ilang negosyo na lilikha ng trabaho. Habang tinatangkilik ng komunidad ang mga negosyong ito, lalago rin ang lokal na ekonomiya ng Atimonan.

Ang makokolektang real ­property at business tax ng Atimonan ay magagamit din ng lokal na pamahalaan para magsagawa ng mga kapaki-pakinabang na proyekto sa ikakaunlad ng munisipalidad.

Sana makita ng Pangulo, ang mga benepisyong ito at pag-tuunan din niya ng pansin ang pagpapabilis ng pag-iisyu ng kaukulang batas para maisakatuparan na agad ang mga proyektong ito na may national significance.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com o operarioj45@gmail.com.

67

Related posts

Leave a Comment