INFORMATION CAMPAIGN SA COVID-19 VACCINES DI RAMDAM

HINDI lang ang pagkumbinse sa mga tao na magpabakuna laban sa COVID-19 ang dapat gawin ng national government lalo na ang Department of Health (DOH) kundi dapat ay ipaalam ito sa publiko na libre ang bakunang ito.

Bakit?

May natanggap akong impormasyon na sa ilang lugar lalo na sa mga probinsya, ikinakalat na ang impormasyon na isa lang sa dalawang bakuna ang libre at ang natitirang isa ay kailangang magbayad na ang mga tao.

Upang maging immune raw sa COVID-19 kailangang maturukan ng dalawang beses sa loob ng halos isang buwan ang isang tao dahil walang kuwenta kung isang dose lang, kailangan dalawa.

Pero ngayon pa lamang, may mga nagkokondisyon na sa mga tao na hindi libre ang isa sa dalawang doses. Ang pagkakasabi sa akin ng isang nakausap ko sa ­probinsya “isang bakuna lang ang libre at may bayad na ang ­pangalawa”.

Ito raw ang kumakalat na impormasyon kaya dapat agad na itama ito ng DOH upang lalong makumbinsi ang mga tao na magpabakuna dahil para may gumagawa na malamang ng kamultuhan.

Nangyari na ito sa Social Amelioration Program (SAP) noong nakaraang taon kung saan may mga barangay officials ang nasangkot sa anomalya kaya maraming barangay captain ang nasuspinde.

Pinagkakitaan ng mga tiwaling barangay officials ang mga tao sa kanilang barangay sa pamamagitan ng pagkondisyon na isasama sila sa listahan basta ang kalahati sa perang makukuha ay kukunin nila kaya may mga beneficiaries na kalahati lang ang nakuha.

Baka ngayon pa lamang ay may masamang plano na naman ang mga tiwali sa ikinakasang mass vaccination ng gobyerno kaya may nagpapakalat na may bayad ang isa sa dalawang bakuna.

Kailangang sugpuin agad ito dahil kung ipapabayad ng mga tiwali ang pangalawang bakuna ay talagang ayaw ng mga tao na magpabakuna lalo na kung ang bibilhin ay napakamahal.

Sakaling matuloy nga ang plano ng gobyerno na bumili ng bakuna na nagkakahalaga ng P3,000 ibig sabihin ay sisingilin ng mga tiwali ang mga tao ng P1,500 para sa ikalawang bakuna.

Hindi yan kaya ng mga tao lalo na ang mga mahihirap kaya dapat isabay sa information campaign ang impormasyon na libre ang dalawang bakuna sa bawat tao. Walang bayad.

Teka, mukhang usad pagong ang DOH sa information campaign para kumbinsihin ang mga tao na magbakuna dahil kahit sa angkan namin sa probinsya , marami ang nagdadalawang isip na magbakuna.

Lalo silang natatakot na magbakuna dahil may namatay na matatanda na nabakunahan ng Pfizer sa Norway at marami raw side effects ang mga bakunang ginawa ng iba’t ibang pharma companies.

Tingnan nyo, mas ­nakakarating sa mga tao ang mga negatibong impormasyon ukol sa bakuna kesa sa information campaign ng national government sa kahalagahan ng bakunang ito para makabalik na tayo sa normal na buhay.

Ibig sabihin wala pang ginagawang kampanya ang ­gobyerno at kung mayroon man ay hindi epektibo o kulang dahil hindi nakakarating sa sambayanan ang impormasyon na kailangan nila.

Kailangan ding maunang magbakuna ang mga government officials tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, Health Secretary Francisco Duque III, Vaccine Czar Carlito Galvez, Presidential Spokesman Harry Roque at lahat kayo dyan sa ­gobyerno para lalong makumbinsi ang mga tao.

336

Related posts

Leave a Comment