HEPE NG STA. PRAXEDES POLICE STATION CAGAYAN INIREKLAMO

RAPIDO NI TULFO

LUHAANG dumulog sa aming tanggapin si Rodney C. Manuel at kanyang kinakasama na si Reyshel Abuan Sinsano, upang ihingi ng hustisya ang kanyang dinanas sa mga kamay ng dalawang pulis na sina P/Major REYNANTE DE GRACIA at P/MSG HARLEE T. BANGALAN ng Sta. Praxedes Police Station sa Cagayan Valley.

Hepe raw ng Sta. Praxedes itong si De Gracia, ang problema ay nag-ugat sa away na nangyari pagitan ng kanilang kapitbahay na si Gina Gubatan.

Ayon sa kuwento ni Rodney, noong gabi ng a-singko ng Pebrero, hinablot daw ng aso ang kanilang hapunan na isda sa loob ng kanilang bakuran kaya binato niya ito ng bote. Nabasag daw ang bote at sinabi ng kanyang kapitbahay na si Gubatan na tinamaan ito ng bubog at dito na nagsimula ang mainit nilang sagutan.

Dumating daw ang ilang pulis mula sa Sta. Praxedes bilang pagresponde sa kaguluhan at dinala si Rodney sa naturang istasyon upang maimbestigahan.

Ayon sa biktima, nasagot niya ang mga pulis na humuli at nagpasok sa kanya sa kulungan dahil tinawag siya nitong animal. Pero lingid sa kanyang kaalaman ay simula pa lang ito ng kanyang kalbaryo dahil kinaumagahan daw ng February 6 ay pinatawag siya sa opisina ni P/Major Reynante de Gracia upang tanungin.

Kasama raw niya sa opisina ni De Gracia ang mga pulis na dumakip sa kanya at totoo raw na kinausap siya ni Major pero kada tanong daw nito sa kanya ay hinahambalos siya nito ng baseball bat sa puwitan na nag-iwan ng pasa rito. Base sa larawan na ipinakita sa inyong lingcod, mayroon ding hawak na medical certificate si Rodney bilang katunayan sa pananakit ni Major De Gracia sa kanya.

Kinasuhan si Rodney ng alarm and scandal at disobedience to persons in authority, ng mga pulis. Samantalang kinasuhan naman ni Rodney sa Napolcom Cagayan sina Major De Gracia dahil sa pananakit sa kanya.

Naiyak ang kawawang si Rodney at kanyang ka-live in habang ikinukuwento nito sa amin ang mga pangyayari. Susubaybayan namin ang pag-usad ng kasong isinampa ng kawawang biktima laban sa mga pulis.

242

Related posts

Leave a Comment