KAILANGAN ANG MASUSING PAG-AARAL

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

HINDI maitatanggi na nakakaalarma ang ilang kaganapan sa public health system front partikular ang patuloy na pagtaas ng kaso ng ­COVID-19 sa bansa na isa nga sa pinakahuling tinamaan ay walang iba kundi si Pangulong Bongbong Marcos mismo.

Mabuti naman at hindi malubha o severe ang naging kondisyon ni PBBM at kailangan lamang niyang sumailalim sa one-week isolation, kung saan ay patuloy naman niyang nagagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang pangulo at ama ng bansa.

Inaabangan na rin ng mamamayan kung sino ang magiging bagong health secretary na papalit sa kontrobersyal na si Francisco Duque III.

At dahil nga hanggang ngayon ay wala pang napipili ay nagpapatunay lamang ito na gusto talagang maging maingat ni PBBM sa kanyang nonombrahang bagong health secretary.

Alam niya kasi kung gaano ka-sensitibo ang tungkuling ito, kailangan niyang masusing pag-aralan at pag-isipan.

Sapagkat kaunting pagkakamali lamang sa pagpapatupad sa mga polisiya sa DOH ay tiyak na malaki ang ­magiging epekto nito hindi lamang sa overall public health system, kundi maging sa ekonomiya ng bansa.

Kaya naman mahigpit ang babala ni dating presidential adviser on entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na hindi na maaaring magpatupad muli ng total lockdowns tulad ng dati.

Aniya kapag nangyari ito ay tiyak na muling dadapa ang ekonomiya dahil tiyak na papatayin nito ang maraming iba pang industriya kasama na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“The Philippines cannot raise alert levels. That will really kill many MSMEs who have just taken new loans to refinance their debt. So we really have to prevent alert levels from being raised,” sabi ni Concepcion sa isang forum kamakailan.

Sa harap ng mga kaganapang ito ay suportado natin si PBBM at naiintindihan natin kung bakit maingat siya sa pagpili sa papalit kay Duque dahil mahalaga ang papel na gagampanan niya sa kanyang pangkalahatang program of government.

Dapat lamang talagang maging maingat siya at pag-isipang mabuti kung sino ang susunod na health secretary.

55

Related posts

Leave a Comment