HUGAS-KAMAY SI TAN5

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS ibisto ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla ang umano’y katiwalian sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa nakalulusot na pekeng dokumento ng foreign nationals partikular ng mga Chinese, ay tila hugas-kamay naman ang hepe ng ahensya na si Commissioner Norman “Tan5” Tansingco.

Kung hindi pa ibinuking ni Remulla itong raket ng ilang tiwaling tauhan at opisyales ng BI, ay hindi pa iikot ang tumbong ng mga kumag na agad umanong ipinatawag sa DOJ ngunit sa kasamaang palad ay dedma ang inabot ng mga ito sa kalihim.

Masipag naman na naglabas ng ‘praise release’ ang balimbing na tauhan ng ahensya na matagal din nating nakasama noon pang dekada 90, at walang matinong ginawa kundi ang perahan ang mga kapwa nating media at gawing motel ang kanyang tanggapan na itatago natin sa pangalang “Rey Saltik”.

Paano nga ba binobola na naman ni Saltik ang publiko upang magmukhang inosente ang kasalukuyang namumuno ngayon sa BI? Magkano na naman kaya ang ipinamahagi nitong sobre sa mga reporter ng broadsheet at higit sa lahat ay magkano ang kupit ni Saltik?

Ayon sa kasagutan sa isyu ng ahensya, ay kanila umanong mino-monitor ang mga nabigyan na ng working visa sa bansa gamit ang pekeng kompanya at nagbanta itong si Tan5 na kanyang ipakakansela ang anomang travel agency na nagpalusot? Weh ‘di nga?

Seryoso kaya si Remulla na walisin ang mga tiwali sa BI o sadyang mayroon lamang itong hidden agenda upang mailagay sa posisyon ang kanyang mga bata? Nagtatanong lamang po. Dapat ding tingnan at paimbestigahan ni Remulla ang ilang opisyales ng ahensya sa kanilang lifestyle mula nang sila ay manungkulan sa gobyerno.

Samantala, tinatawagan din natin ng pansin si Remulla upang mapabakunahan itong inilagay ni Tan5 sa kanyang tanggapan na kanyang bayaw na itatago natin sa pangalang “Rey Bulldog” na matakaw at napakalakas umanong magpa-lift ng blacklist ng mga nasangkot sa POGO na dayuhan na kahit wala pang go signal mula sa DOJ ay palihim umanong pinepera nina Bulldog mula 500K hanggang 700K bawat isang lifting order.

Katiwalian sa BI Jail sa Bicutan… Abangan!!

138

Related posts

Leave a Comment