P1.5-M DROGA, BOGA NASABAT NG CIDG SA 2 TULAK

MAHIGIT P1 milyong halaga ng shabu, marijuana at baril ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang lalaki sa isinagawang Oplan Paglalansag Omega, Oplan Big Bertha at Oplan Salikop noong Martes ng hapon sa Caloocan City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Emmanuel Joseph Bendal, 31, at Jess Noriega, 41, umano’y sangkot sa pagbebenta ng hindi lisensyadong baril at ilegal na droga sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela).

Dakong alas-5:00 ng hapon nang ikasa ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern Metro Manila District Field Unit (CIDG-NMMDFU), District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU) at Caloocan City Police, ang buy-bust operation laban sa mga suspek na nag-alok ng kalibre .45 pistola sa halagang P10,000 sa 7th Avenue, Brgy. 54.

Nang dumating sa lugar na itinakda ang mga suspek, sakay ng isang itim na Hyundai Tucson na may plakang UIT-299, kaagad silang sinalubong ng mga pulis na nagpanggap na buyer upang iabot ang markadong salapi kapalit ng ibinebentang kalibre .45 na baril.

Nang tanggapin ng pulis ang baril kapalit ang ibinayad na markadong salapi, agad nang pinalibutan ng mga awtoridad ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Bukod sa ibinebentang baril, nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 200 gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang plastic ice bag na nagkakahalaga ng P1,360,000, at 30 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na umabot sa halagang P168,000, gayunding markadong salapi, cellular phone, dalawang magazine assembly ng kalibre .45 baril at 14 na bala ng naturang kalibre.

Ang mga nadakip ay iprinesenta na sa piskalya ng Caloocan kaugnay sa isasampa sa kanilang mga kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act. (FRANCIS SORIANO)

58

Related posts

Leave a Comment