IBA PANG MUKHA NG PAG-IBIG: IKALAWANG BAHAGI

Psychtalk

Sa unang bahagi ng artikulong ito, nabanggit ko ang tungkol sa porma ng pag-ibig na nagpapakita ng pagmamahal sa inang-bayan. Isang larangan na tiyak na magkakaiba-iba tayo dahil sa kaniya-kaniyang pinaniniwalaang pamamaraan na dulot na rin ng iba’t ibang lente ng pagsusuri sa mga isyu ng bayan.

Ganunpaman, ang ha­mon ay kung paano makakita ng “common ground” dahil hindi naman pwedeng magpatayan na lang tayo nang magpatayan para maipakita natin na mas tama ang pa­raan ng pagmamahal natin.

Ilang taon na nang may isang abogadong naglathala ng maliit na libro na nagbigay ng mga payak, praktikal at madadaling gawing aksiyon na magpapakita ng pagmamahal sa inang-bayan. Noong mabasa ko ito, naisip ko na hindi kailangan ng espesyal na kuwalipikasyon, mataas na antas ng edukasyon, o matalas na isip para gawin ang mga ito.

Hindi naman kailangang pagdebatehan siguro kung paano pumulot ng mga kalat sa bakuran mo; kung paanong umiwas itapon ang basura mo sa mga estero, ilog, at iba pang daanan ng tubig. Hindi kailangan ng diploma para malaman na responsibilidad ng bawat isa ang sumunod sa batas-trapiko, magbayad ng tamang buwis; na bawal magnakaw ng pondo ng opisinang pinapasukan mo, o nang ba­yang pinili mong paglingkuran. Kahit high school lang ang natapos mo, madali naman yatang unawain na pag nasa gawain, pribado man o sa publikong mga institusyon, dapat lang ibigay ang karampatang trabahong inaasahan sa iyo para hindi natetengga ang mga gawain o ‘di na nag-aantay sa mahabang pila ang mga kliyente.

Sa kultura natin, sa paaralan man o sa mga simbahang kinasasaniban ng bawat isa (dahil alam namang malakas ang buhay-relihiyon o buhay-espirituwal ng mga Filipino) laging pinapaalala sa atin paano ang tamang pamumuhay. Huwag magnakaw ng hindi sa iyo, huwag masyadong ganid; ibigay sa iba ang para sa kanila, tumulong sa mga nangangailangan, at marami pang iba. Kung susunod lang kasi naman ng totoo sa mga katuruan, tunay na rebolus­yon pa rin ang mangyayari.

Baka panahon na ring baligtarin ang mga prayoridad: huwag lang sa sarili o sa pamilya ang pokus ng pagmamahal. Ayon nga sa abogadong nagsulat, baka mas tama ang ganitong pagkakasunud-sunod ng pagmamahal:  Diyos, bayan, pamilya/sarili. Madalas kasi, nakatuon lang sa nasa hulihan.

Oo, mga maliliit na pa­raan. At pwede diyan mag-umpisa. Kasi kung totoong nauunawaan lang marahil ng bawat isa ang mga salitang pananagutan, respeto sa sarili at kapwa—kayang umpisahang gawin ang tama. Mahirap magpunta sa makro o malawak kaagad—napakalaki ng “risks” at mas marami ang talo. Kung hihiram ako ng linya sa kantang madalas ipatugtog sa institusyong kinabibilangan ko, sabi “let me be the change I want to see…even if I am not the light, I can be the spark.” (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

78

Related posts

Leave a Comment