ILABAS ANG ‘FISHING DEALS’ SA CHINA!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Tumingkad ang usapin ng pagpasok at pangi­ngisda ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas matapos banggain ng Chinese vessel ang isang bangkang Filipino na F/B Gem-Ver sa Recto Bank noong unang bahagi ng Hunyo, 2019.

Galit ang maraming Filipino sa pagbangga sa ating mga kababayan, lalo na sa pagpapabaya ng mga nakabanggang Chinese vessel sa 22 mangingisda nang lumubog na bangka. Marami ang nagpahayag ng kanilang galit at kondemnasyon kahit mismo sa mga opisyales ng gobyerno.

Ngunit, ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Duterte ang pangyayari, at sinabing “small maritime accident” lamang ito. Sinabi rin niyang magreresulta sa giyera ang kondemnasyon sa pangyayari, kaya mabuti na lamang na manahimik. Ang lalo pang nakababahala, sinabi ni Pangulong Duterte na nagkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at China na pumapayag na pumasok at mangisda ang mga bangkang Tsino sa katubigan ng Pilipinas, kabilang sa ating Exclusive Economic Zone. Pinirmahan umano ang kasunduang ito noong Oktubre 2016, lingid sa kaalaman ng publiko.

Para sa Bayan Muna, dapat na ilabas ang buong teksto ng kasunduang ito, nang makita at masuri ng sambayanang Filipino ang mga pinirmahan na kasunduan. Lalo pa, ang admi­nistrasyong Duterte ay may rekord na mga kasunduang hindi pantay at lulubog sa atin sa utang gaya ng Kaliwa Dam at Chico River Pump Project.

Tatlong taon na mula nang pirmahan ang kasunduang ito at ngayon lamang natin ito nalalaman. Ano pa kayang mga pinagkasunduan nila? Ibinenta na ba ng gobyernong Duterte ang Pilipinas sa China? Dapat nating malaman at banta­yan ang isyung ito na pagyu­yurak sa ating soberanya. Ang tiyak, walang karapatan ang pangulo na ibenta, ipag­kasundo, at ibahagi ang ating likas na yaman at patrimonya. Ito ay pag-aari ng mamamayang Filipino, hindi ni Pangulong Duterte! Gayundin, bilang mga Filipino ay dapat i­pagtanggol natin ang ating teritoryo. Atin ang Pinas! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

108

Related posts

Leave a Comment