DAHIL sa pagkakatimbog ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs sa itinuturing na pinakamalaking illegal drug shipment sa bansa ay pinangangambahan ngayon ng mga awtoridad na magiging crime capital na ng Southern Luzon ang bayan ng Infanta sa lalawigan ng Quezon, kung saan naaresto ang sampung kalalakihang sakay ng tatlong van, na may dala-dalang mga kontrabando na nakatago sa Chinese teabags na hinihinalang shabu.
Ayon kay Police Major Francis Aldrich D. Garcia ng Infanta Municipal Police Station (MPS), sila ay nakatanggap ng tip na may isang Nissan van ang may lulan ng mga ipinagbabawal na droga kung kaya’t kaagad ay naglatag ng checkpoint ang pinagsanib na puwersa ng NBI at Infanta Police sa Barangay Comon sa naturang bayan, kung saan ay nakuha sa arestadong mga suspek ang tinatayang umaabot sa isa punto limang tonelada (1.5 tons) ng hinihinalang ilegal na droga o shabu.
Sa naging imbentaryo ng pulisya, aabot sa humigit-kumulang 600 na mga pakete ng hinihinalang shabu na nakasilid sa Chinese teabag, ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Kaugnay nito’y inaalam na ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang pinanggagalingan ng hinihinalang ilegal na droga at kung sino-sino ang nasa likod o ang mga sangkot sa tangkang pagpapasok ng ilegal na droga sa bansa.
Samantala, kaagad namang isinailalim sa inquest proceeding ng DOJ Panel of Prosecutors sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutors Marry Jane Sytat, ang mga suspek makaraang kasuhan ng NBI sa DOJ.
Matatandaan, hindi pa katagalan nang mangyari ang bigong pamamaslang kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America na tinamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at kasalukuyan nang nagpapagaling at nagpapalakas sa isang pribadong ospital sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, General Dionardo Carlos, sisilipin nila ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa naging banta sa buhay ng alkalde.
Sa sunod-sunod na krimeng nasasangkot ang bayan ng Infanta, at maging ang alkalde nito ay nabiktima, malaking palaisipan ngayon sa mga awtoridad kung ang krimen bang nagaganap ay higit pa sa mga iringang pang-pulitika, awayan sa quarrying o mas malalim pang dahilan kabilang na ang isyu ng ilegal na droga.
