Tulad ng mga nagdaang administrasyon PANELO ‘DI MAPIGIL ANG GANID

(BERNARD TAGUINOD)

“KAPAG nakatikim ng power ayaw nang bitawan.”

Ganito inilarawan ng isang administration congressman ang pagtutulak ng grupo ni Presidential Legal Council Salvador Panelo sa “Duterte-Duterte 2022” o tambalan ng mag-amang sina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte sa susunod na eleksyon.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ilunsad ni Panelo ang “Duterte-Duterte Tandem in 2022” sa Bayambang, Pangasinan noong Sabado, Enero 23, 2021.

Kung matutuloy ang tambalang ito, si Mayor Sara ang tatakbong pangulo dahil hindi na maaaring tumakbo para sa ikalawang termino ang kanyang ama kaya ito na lamang ang kanyang runningmate o maging vice presidential candidate.

Idinaos ito sa pamamagitan ng dinner-fellowship kung saan ang host ay si Mayor Cesar T. Quiambao na dinaluhan ng mga prominenteng political leaders sa nasabing lalawigan.

Ayon sa mambabatas na hindi na nagpabanggit ng pangalan sa pangambang balikan siya ng administrasyon, lumalabas na ang mga nagkaroon ng kapangyarihan sa ilalim ng administrasyong Duterte ang nagiging gahaman at hindi ang mag-amang Duterte.

“Palagay ko yung mga appointees tulad ni Secretary Panelo lang ang may gusto dyan. Sila ang parang ayaw matapos ang kanilang power dahil kapag natuloy nga naman yan at nanalo sila, sila-sila pa rin ang nandyan sa gobyerno,” komento ng mambabatas.

Kabilang umano sa mga sumusuporta sa Duterte-Duterte tandem sina Presidential Adviser for Northern Luzon Secretary Raul L. Lambino, 5th District Rep. Ramon ‘Mon-Mon’ Guico III, Abono Party-list Rep. Conrad Estrella III, Vice Governor Mark Lambino, Board Members Von Mark Mendoza (2nd District), Vici Ventanilla (3rd District), Louie Sison (5th District), Alaminos City Mayor Arthur Celeste, Mayors Roldan Sagles (Aguilar), Anthony Penulliar (Mapandan), Joel delos Santos (Sta. Barbara), Martin Raul Sison II (Urbiztondo), Noel Geslani (Malasiqui), Rosita Rafael (Natividad), Julio ‘Rammy’ Parayno (Urdaneta City), Sangguniang Bayan Members of Bayambang, at iba pang civic leaders.

Sinabi naman ng isa pang mambabatas na hindi rin nagpabanggit ng pangalan na mistulang kontra rin si Panelo sa pahayag ni Pangulong Duterte na hindi pambabae ang presidency kaya dapat na umanong itigil ang pagpapalutang kay Mayor Sara sa presidential race.

“Parang pagkontra yan ‘dun sa sinasabi ni presidente mismo na Presidency is not a woman’s job,” komento ng impormante.

Gayunpaman, hindi na umano bago sa mundo ng pulitika sa Pilipinas na kapag nasa poder na ang isang tao ay ayaw na nilang bitawan ito dahil maging noong nakaraang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay inambisyon ng mga ito na manatili sa puwesto sa loob ng 18 taon subalit hindi nangyari.

69

Related posts

Leave a Comment