INIINDA NG MGA MAGSASAKA ANG PAGKAWALA NG E-SABONG

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

NATUKLASAN na hindi lang daw pala ang mga talpakero at mga manggagawa ang apektado ng pagkawala ng e-sabong.

Pati raw kasi ang mga magsasaka ay umaaray sa tigil-operasyon ng larong iyon.

Aba’y isang magsasaka sa Echague, Isabela ang patuloy na pumapalag daw sa ­matinding krisis dulot ng pagbabawal sa online cockfighting.

Pahayag nga ni Jay-ar Dagman, dating nakikinabang sa operasyon ng e-sabong, malubha ang naging epekto ng pagpapatigil ng online sabong sa kanilang monthly income.

Tsk, tsk, tsk.

Napakahirap naman pala ng kanilang sitwasyon.

Sabi ng mama, bumaba at humina ang demand sa mais mula nang suspendihin ang operasyon ng e-sabong.

Bunga nito, nababahala rin ang magsasaka sapagkat inaasahang bababa ang presyo ng animal feeds sa merkado dahil sa pagbaba nga ng demand.

Naku, ang masaklap pa’y may posibilidad pa raw mabulok ang mga ani nilang mais kung hindi ito ipagbibili sa kahit murang halaga.

Maaalala na noong Mayo ay ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa mga operasyon ng e-sabong sa buong bansa.

Kung inyong natatandaan, noong kasagsagan naman ng online sabong, tinatayang hindi bababa sa P1.37 bilyon ang nakolekta ng Phil. Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa pitong lisensiyadong e-sabong operators mula Enero hanggang Marso 2022.

Napaulat din noon na mayroon ding P650 million revenue loss kada buwan ang PAGCOR mula sa gamefowl industry.

Dahil nga rito, nangangamba si Dagman sa posibilidad ng unti-unting pagbagsak ng kanilang kabuhayan.

Sinasabing ang pagbabawal sa operasyon ng e-sabong ay patuloy na ring iniinda ng iba’t ibang negosyong konektado rito.

At kung hindi naman ako nagkakamali, tinatayang nasa 3.2 milyong Pilipino ang nawalan ng kabuhayan dulot nito.

Kaya nga, umaasa sila na babalik din ang online cockfighting sa lalong madaling panahon.

Well, payag din naman sila na i-regulate ito nang mabuti.

Maganda naman dahil handa ring magbayad ng buwis ang mga e-sabong operators kaya wala na sigurong dahilan pa para ‘barilin’ ang mga panukalang buhayin muli ang kanilang operasyon.

Sa mga susunod na araw, malaki ang posibilidad na mapagtatanto rin ng mga nasa gobyerno ang pakinabang ng bayan sa e-sabong.

Sabi nga, abangan ang susunod na kabanata.

294

Related posts

Leave a Comment