PAUWIIN NA SA PILIPINAS

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

DUMULOG sa AKO OFW ng Saksi Ngayon ang dalawang OFW na nasa Riyadh, Saudi Arabia para makauwi na sa ating bansa. Isa rito ay si Leslie Jhon Soria na nakikiusap na tulungan siya sa kanyang panawagan na makauwi na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Si Leslie Jhon ay isang skilled worker na nagtatrabaho bilang electrician. Nakarating siya sa Riyadh, Saudi Arabia noong Hunyo 22, 2016 sa pamamagitan ng Rite Merit ­International Manpower Corporation.

Ayon sa mensahe ni Leslie Jhon na ipinarating sa AKO OFW: “Tapos na po ‘yung kontrata ko dito, Sir, isang taon na rin akong wala trabaho at expired na ‘yung iqama ko sir… Hanggang ngayon, hindi pa rin nila ako pinapauwi, Sir, pinatigil nila ako sa trabaho, sir… pinapangakuan lang ako lagi na makakauwi, Sir, isang taon na po ako dito hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kong kailan nila ako papauwiin, Sir…walang-wala na po ako, hindi na rin po ako makapag-load para makatawag sa POLO (Philippine Overseas Labor Office)… kasi naubos ang naipon kung pera dahil noon hindi sila nagbibigay ng allowance…kaya po ako humihingI ng tulong n’yo para makauwi na ako, Sir, maraming maraming Salamat… God bless po”.

Ang sumbong na ito ni Leslie Jhon ay agad nating ­ipinarating kay Director Sherelyn Malon ng OWWA E-Cares upang mabigyan ng katuparan ang kanyang kahilingang pauwiin na siya sa Pilipinas. Gayundin ay hiniling natin kay Director Malonzo na pakiusapan ang ­ating OWWA Welfare Officers sa Riyadh na mahatiran ng pagkain at iba pang pangangailangan si Leslie Jhon habang hindi pa nakakaalis ng Saudi Arabia.

Samantala, dumulog din sa AKO OFW si Ernemehildo Saliente upang makiusap na matulungan siyang makauwi na sa Pilipinas. Siya ay ­kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia at nagtatrabaho bilang cook sa isang restaurant doon. Ayon kay Ernemehildo, natapos na niya ang kanyang kontrata at nabigyan na siya ng exit visa ng kanyang employer. Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay ayaw naman siyang bigyan ng tiket sa eroplano para makauwi na sa Pilipinas.

Nababahala si Ernemehildo na mag-i-expire na ang kanyang exit visa at kapag nangyari ito ay mahihirapan na siyang makauwi sa Pilipinas. Kung kaya nakikiusap siya sa ating Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh na tulungan siya na kausapin ang kanyang employer upang mabigyan na siya ng pamasahe sa eroplano para makauwi na sa ating bansa.

Ang problemang ito ni Ernemehildo ay ating ipinarating kay Director Malonzo at pati na rin kay Labor Attache Fidel A. Macauyag upang mabigyang katuparan ang kahilingan ni Ernemehildo na makauwi na sa Pilipinas.

Maraming pang OFWs ang kagaya nina Leslie Jhon at Ernemehildo na hindi makauwi sa Pilipinas dahil sa panggigipit ng kanilang mga employer sa pamamagitan ng hindi pagkakaloob ng exit visa at pati ng tiket sa eroplano. Marahil sa pagbisita sa Saudi Arabia ng mga kinatawan ng Department of Migrant Workers ay bigyan diin nito ang paghiling sa gobyerno ng Saudi Arabia ng pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga employer na hindi tumutupad sa kontrata ng ating mga kabayaning OFW. Dapat din na hilingin nito ang pagtanggal ng pangangailangan sa exit visa na katulad ng mga karatig bansa ng Saudi Arabia.

229

Related posts

Leave a Comment