INIREKLAMONG LTO OFF’L SA DOTr NASA LTO CENTRAL OFFICE?

PUNA ni JOEL AMONGO

MAGKANO kaya inilalatag ng Land Transportation Office (LTO) official na ito sa kanyang boss? Sa kabila kasi na may complaint letter laban sa kanya ay napaganda pa lalo ang kanyang posisyon.

Nasa LTO central office na siya ngayon at dalawa pa ang kanyang posisyon.

Isa sa central office at isa pa sa probinsya. Ang lakas mo gar!

Panahon pa ni dating Asec/LTO chief Edgar Galvante sa ilalim ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay dalawa na ang kanyang posisyon sa central office at sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ngayon sa panahon ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza at sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay dalawa pa rin ang kanyang posisyon. Malapit siguro sa kusina si sir, kaya ganoon na lang siya kalakas.

Isa sa kanyang posisyon ay sa central office at sa nasabi pa ring lalawigan.

Wala na bang ibang tao na pwedeng humawak ng posisyon riyan sa LTO? Bakit dala-dalawa ang hinahawakan ng tao na ito?

Ganoon ba siya kalakas sa pamunuan ngayon ng LTO at sa DOTr? LAM kaya ito ng Palasyo?

Base sa hawak nating dokumento na isinumite kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr., thru DOTr Secretary Jaime Bautista na may petsang Hulyo 6, 2022 at tinanggap ng Office of the Secretary DOTr noong Hulyo 21, 2022, inireklamo siya ng small transport business group ng Regions 1, 2, 3 at Cordilleras dahil sa illegal na aktibidades.

Pinasusuweldo rin nito ang kanyang cowboys o tagapag-alaga ng kanyang bakahan sa rantso nito sa kanyang lalawigan.

Sumusweldo ang mga ito sa central office dahil dito dinadala ang kanilang daily time record (DTR).

Gamit din ng mga ito sa pagsumite ng kanilang DTR ang mobile ng LTO para walang sisita sa kanilang pagbiyahe mula sa CAR patungo sa central office sa Quezon City. Ang lakas mo gar!

Okay lang paswelduhin ni bossing ang kanyang driver sa LTO central office dahil empleyado ito sa nasabing tanggapan ng gobyerno, pero ang kanyang cowboys o tagapag-alaga ng kanyang mga baka eh mali ‘yun gar.

Inaabuso mo ang inyong kapangyarihan bilang opisyal ng gobyerno, pasok ‘yan sa kasong graft sa Office of the Ombudsman sir.

Nakatanggap tayo ng impormasyon na mayroong pang isang magbibigay ng dokumento laban sa opisyal na ito. May reklamo rin daw siya laban dito.

Kung ganoon pala ay daragsain si sir, ng reklamo, tingnan natin kung hindi pa rin pansinin ito nina LTO chief Atty. Mendoza at DOTr Sec. Bautista.

‘Yung unang sulat pa naman ay naka-address kay Pangulong Marcos thru DOTr Sec. Bautista, na hindi pinansin.

Kaya nagtataka ‘yung mga nagreklamo kung bakit hindi raw ito pinansin sa halip ay napaganda pa ang posisyon ni bossing. Magkano daw ba ang dahilan?

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

58

Related posts

Leave a Comment