‘DI BABALIK NG CHINA SI ALICE GUO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG totoong Chinese national si Bamban Mayor Alice Guo, lalaban pa rin siya at at hindi aalis sa Pinas kahit matanggal siya sa puwesto dahil iba ang buhay niya sa ating mahal na bansa kumpara sa lugar sa China na pinanggalingan ng kanyang magulang.

Ang daming nagli-leak na impormasyon sa social media hinggil sa tumatakas na mga Chinese sa kanilang bansa pero dahil kontrolado ng kanilang gobyerno ang media at maging ang social media, at hindi ‘yun lumalabas sa mainstream media.

Kamakailan lang ay may Chinese nationals na nakasakay sa bangka patungo sa Australia ang naharang ng Indonesian authorities, indikasyon na hindi maganda ang kanilang buhay taliwas sa ipinipinta nila na mayaman ang kanilang bansa.

Marami na rin tayong nababasa na binakuran ng China ang kanilang boarders ng barbwire para hindi makaalis ang kanilang mamamayan na gustong takasan ang kanilang kahirapan at kawalan ng kalayaan sa kanilang bansa.

Nakaahon na si Guo sa kahirapan. Naging bilyonarya na siya sa Pinas. Masarap ang buhay niya dito kumpara sa China, kung pagbabasehan ang lumabas na mga larawan sa kanilang tinitirahan sa China ay masasabi mong sa slum area sila nakatira.

Hindi naman nakapagtataka dahil walang karapatan ang Chinese nationals na magmay-ari ng lupa sa kanilang bansa dahil ang buong China ay pag-aari ng China Communist Party (CCP) kaya nga ‘pag ginusto ng kanilang gobyerno na i-demolish ang kanilang bahay ay nade-demolish agad dahil wala namang karapatan ang kanilang mamamayan.

Kontrolado rin ng CCP ang galaw ng kanilang mamamayan kaya nga may social credit silang tinatawag at kailangang mamantine nila ang mataas na social credit dahil kung hindi, hindi ka na makasasakay ng kanilang tren, hindi ka makabibili ng pagkain sa mga grocery at kahit sa online shopping, hindi tatanggapin sa hospital kapag nagkasakit ka, bawal kang pumasok sa government offices at hindi ka pwedeng makapagtrabaho.

Bawat Chinese ay may-QR code kaya madaling mabawasan ang social credit nila kapag nahuli sila sa CCTV na nag-jaywalking sila, nakipag-away sa kapitbahay at hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Ganyang kalupit ang China sa kanilang mamamayan. Walang kalayaan kaya nga maraming Chinese nationals ang nagpapanggap na turista at pagdating sa Pilipinas ay mag-eextend nang mag-eextend ng kanilang visa hanggang sa hindi na sila aalis dito at magtatayo ng negosyo.

Galawang komunista kasi kaya bawal batikusin ang gobyerno, bawal magreklamo, hindi lang sa ordinaryong mamamayan kundi maging sa mga miyembro mismo ng CCP, at may paglalagyan sila kahit konting pagkakamali lang.

Siguradong ayaw ni Mayor Guo ng ganyang buhay kaya hindi siya aalis sa Pinas kahit anong mangyari dahil hindi siya makabibili ng malawak na lupain sa China, hindi siya magkakaroon ng helicopter o kaya McLaren at lalong hindi siya magiging mayor kung hindi siya miyembro ng CCP.

Babalik lang siya sa China kapag napatunayang totoo ang mga alegasyon na posibleng espiya siya ng China para sa unti-unting pananakop ng gahamang si Xi Jinping sa buong Pilipinas, hindi lamang sa West Philippine Sea (WPS).

48

Related posts

Leave a Comment