INTEGRIDAD AT PROPESYONALISMO: SUPORTA KAY SECRETARY ABALOS

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA gitna ng mga kontrobersyang kinasasangkutan ng puganteng si Alice Guo, mahalaga ang ipakitang tiwala at suporta sa mga opisyal ng pamahalaan na tulad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Sa kanyang pamumuno, nananatiling matatag ang kagawaran sa layuning tiyakin na walang sinomang lumalabag sa batas ang makatatakas sa pananagutan.

Kasama si Secretary Abalos sa mga kumikilos nang mabilis upang tiyakin ang hustisya sa kaso ni Alice Guo, isang puganteng may mga mabibigat na akusasyon ng human trafficking at money laundering.

Sinasabing sa kabila ng mga ulat ng mga hindi propesyonal na pagkilos ng ilang opisyal, kabilang ang pagkuha ng mga larawan o “selfie” kasama si Guo, malinaw ang posisyon ni Secretary Abalos — ang pamahalaan ay hindi dapat magpakita ng anomang senyales ng simpatya o pabor sa sinomang may mabibigat na kasong kinakaharap.

Ang pamumuno ni Secretary Abalos sa DILG ay nagbibigay-diin sa mataas na pamantayan ng integridad at propesyonalismo.

Sa kabila ng mga puna mula kina Senator Joel Villanueva at Senator Risa Hontiveros tungkol sa pagtrato kay Guo, nanatiling malinaw si Abalos sa kanyang posisyon: ang pagtrato sa sinomang pugante ay dapat na may paggalang sa batas at sa proseso ng hustisya.

Hindi dapat tratuhin ang mga pugante na parang mga celebrity, kundi bilang mga indibidwal na dapat harapin ang mga kaso laban sa kanila.

Ang mga aksyon ni Secretary Abalos at ng kanyang departamento ay patunay na hindi sila magpapabaya sa harap ng mga ganitong hamon.

Sa kanilang pangunguna, ang law enforcement agencies ay patuloy na gumagawa ng kanilang trabaho upang matiyak na makakamit ang hustisya para sa lahat.

Ang malinaw na paghatol at pamumuno ni Abalos ay mahalaga upang hindi mawalan ng tiwala ang taumbayan sa pamahalaan.

Bilang mamamayan, mahalaga na bigyan natin ng suporta ang mga lider tulad ni Secretary Abalos, na naninindigan para sa hustisya at integridad sa pamahalaan. Ang kanyang pamumuno ay patunay na may mga opisyal ng gobyerno na handang ipaglaban ang tama at tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng bansa.

At sa ganitong mga pagkakataon, kinakailangan natin ang mga lider na matapang at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.

74

Related posts

Leave a Comment