INTERNAL CLEANSING SA PHIL. NATIONAL POLICE, IPAGPAPATULOY NI GEN. ACORDA

TARGET NI KA REX CAYANONG

NOONG mga nakaraang buwan pa ay umuugong na ang pangalan ni Police General Benjamin Acorda bilang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Tama nga ang mga naririnig namin noon pa na siya ang ‘dark horse’.

Kumbaga, hindi masyadong sikat pero kilala ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang husay at galing sa pagsisilbi sa bayan.

Si Acorda ang ika-29 na lider ng PNP. Pinalitan niya si Gen. Rodolfo Azurin Jr. na nagretiro nitong Lunes, Abril 24.

Kung hindi ako nagkakamali, si Acorda ay miyembro ng PMA Sambisig Class of 1991.

Naging pinuno siya ng PNP Directorate for Intelligence bago pinili ni Pangulong Marcos upang pamunuan ng organisasyon. Kilala rin si Acorda na kababayan ng Presidente.

Sinasabing ang kanyang ama na si Atty. Benjamin Acorda Sr. ay naging tauhan ng Philippine Air Force.

Lolo naman niya si Capt. Felipe Casuga na nasawi sa pakikipaglaban sa puwersa ng Hapon noong 1944. Tinatayang walong buwan na pamumunuan ni Acorda ang PNP dahil magreretiro na rin naman siya sa darating na Disyembre.

Itutuloy ni Acorda ang mga dati nang programa ng PNP tulad ng internal cleansing.

Aniya, walang pulis ang dapat na masangkot sa ilegal na droga at papatawan ng parusa ang magkasala pero daraan ito sa “due process.”

Kasabay nito, tiniyak ni Acorda na magiging masigasig sila sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Siniguro rin ni Acorda na pananatilihin ng kanilang hanay ang kapayapaan at kaayusan ng bansa at maging ang paglaban sa kriminalidad.

Congrats and more power po, CPNP P/Gen. Benjie Acorda!

110

Related posts

Leave a Comment