INVESTMENT SCAM NG MAG-AMA SA DPWH

BISTADOR ni RUDY SIM

GAMIT ang kanilang posisyon sa gobyerno, isang mag-ama na tila nag-uumpisa pa lamang ng kanilang investment scam upang makapangbiktima umano ng government employees, ang inirereklamo dahil sa kanilang pangakong napako.

Ang dalawa ay kapwa empleyado umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatalaga sa Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office.

Ayon sa reklamong ating natanggap, ang mag amang-sina “Jaime” at “Loui” ay nang-eengganyo umano na mag-invest sa kanilang kompanya na nagsu-supply ng mga materyales sa mga contractor.

Madali umano para sa mga ito na sila’y agad na pagkatiwalaan dahil sa mataas ang posisyon ng tumatayong lider, at ginagamit ang pagiging miyembro umano sa mason, at kanilang ipinagyayabang na marami silang koneksyon sa gobyerno. Ngunit nadiskubre ng mga biktima na scam lamang pala ang kanilang kompanya.

Sa isang screenshot na ipinadala sa atin mula sa isang biktima, idinetalye ng isang “Loui” kung paano kikita ang pera ng mamumuhunan, kung saan ang 100 bags ng semento na may halagang P23,500 ay magiging P27K ang balik, maging ang 2 truck ng buhangin at graba na may halagang P40K ay maibabalik ito sa namuhunan sa halagang P46K.

Nabatid na nasa mahigit P6 milyon na umano ang perang na-invest ng mga biktimang umaasang maibabalik pa ang kanilang ipinuhunan sa bogus na kompanya.

Kung totoo man ito, hindi ba ito ay isang conflict of interest para magamit ng mag-ama ang kanilang posisyon sa gobyerno?

Nabuking ang modus umano ng mag-ama nang hindi natupad at hindi naibalik ang pera ng iba’t ibang mga biktima na pawang mga empleyado ng gobyerno na naniwala at nagtiwala na kikita ang kanilang ipinuhunan mula sa kapirasong sweldo ng mga ordinaryong kawani.

Isa kaya ito sa modus ng tiwaling mga tauhan ng DPWH kung kaya’t ang ating mga kalsada at tulay ay tinitipid sa materyales upang hindi mapakinabangan nang husto ng taxpayers ang buwis na ating binayaran, na hindi natin malaman kung saan napupunta.

Alam kaya ng kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan ang bulok na sistema ng kanyang mga tauhan o sadyang parte rin ito ng tinatawag na “TARA” sa gobyerno mula sa itaas na sinasamantala ang korupsyon gamit ang kanilang kapangyarihan.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

39

Related posts

Leave a Comment