ISAKRIPISYO ANG ISA PARA SA ISA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NANAWAGAN ang gobyerno sa mga tao na huwag bigyan ng limos ang mga namamalimos sa lansangan na hindi lang sa panahon ng “ber” months nagsusulputan sa mga lansangan, upang hindi raw sila mamihasa at mawala sila nang kusa.

Pero ang napapansin ko, mismo ang gobyerno ang nagbibigay ng limos at malakihang limos sa mga tao dahil sa iba’t ibang uri ng ayuda na ipinamumudmod sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan daw maraming mahirap.

Barya-barya lang ang inaabot ng mga tao sa mga namamalimos lalo na sa matatanda sa lansangan pero ang gobyerno ay libo-libo at full coverage pa ang kanilang pagbibigay ng ayuda sa mga poorest of the poor daw.

Ang masaklap, ang ayudang ipinamimigay ay inuutang lang ng gobyerno sa mga international financial institution at ang bayad kasama na ang tubo, ay kinukuha sa taxpayers din ng ilang dekada.

Kasama ang mga poorest of the poor sa mga kinokolektahan ng buwis, ‘yung tinatawag na indirect tax na kapag bumili ng kanilang pangangailangan ay may buwis na binabayaran na nakapatong na sa mga produktong binibili.

Dobleng dagok naman ito sa taxpayers na ang mayorya ay middle class o ‘yung may mga trabaho na bukod sa income tax na otomatikong kinakaltas sa kanilang sahod na tinatawag na direct tax, ay meron din silang indirect tax.

Mukhang ginagamit na lang talaga ang ayuda sa pagpapabanggo ng mga politiko sa mga tao as in pam-PR lang. Okey lang sana kung ang perang ginagamit nila ay hindi inutang at ang magbabayad ay ang mga tao rin.

Ito ang tinatawag na ginisa sa sariling mantika pero ang nakinabang ay ‘yung mga politikong namumudmod ng ayuda na kung umasta ay parang galing sa kanilang sariling bulsa ang milyon-milyong ayudang ipinamimigay.

May patakaran ang gobyerno na kapag gumawa ng batas, dapat lahat ng sektor ang nakikinabang pero itong mga ayuda ay parang isinakripisyo nila ang middle class para magpabango sa poorest of the poor.

Kung talagang gusto ng gobyerno na tulungan ang mga tao, magtatag sila ng industriya na mapapasukan ng mga tao para magkaroon ng trabaho at kahit papaano ay may disenteng sahod na hindi na kailangang umasa sa ayuda.

Kailangan din ng gobyerno na ilibre ang mga tao sa kanilang hospital bills tulad ng ginagawa ng gobyerno sa Canada para kapag may nagkasakit ay hindi maghihirap ang pamilya ng pasyente dahil sa laki ng binabayaran sa hospital bills at maging ang professional fees na mas malaki kaysa binabayaran sa pagamutan.

Kakarampot lang ang sinasagot ng GSIS, SSS at PhilHealth sa hospital bills ng mga pasyente kaya karaniwang nababaon ang pamilya nila sa utang at naghihirap. Sa sariling bulsa rin nila manggagaling ang babayaran sa doctor na nag-asikaso sa kanila.

43

Related posts

Leave a Comment