2 PATAY SA PANANAKSAK AT PAMAMARIL SA QUEZON

QUEZON – Dalawa ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril at pananaksak sa lalawigan noong Linggo.

Ayon sa report ng Quezon Police Provincial Office, namatay si Efren Magtibay Monterola matapos barilin ng hindi kilalang suspek habang sakay ng kanyang motorsiklo at tinatahak ang kalsada sa Brgy. Abuyon, bayan ng San Narciso, patungo sa town proper dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Dead on the spot ang biktima habang hindi naman nasaktan ang kaangkas nitong babae na si Jenny Castillo Dela Cruz.

Bago tumakas nakipagbarilan pa ang mga suspek na nakasakay rin sa motorsiklo, sa anak ng biktima na kasabay ng kanyang tatay na bumibiyahe sakay naman ng kanya ring motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang motibo at kung sino ang mga suspek.

Samantala sa Tayabas City, patay rin ang 48-anyos na magsasakang si Armando Naynes Sabornido matapos na saksakin ng kanyang kaalitan na si alyas “Renato”, 46, mag-aalas-10:00 ng umaga sa Brgy. Lawigue.

Ayon sa report, dahil sa matagal nang may samaan ng loob, nagkasagutan ang dalawa na humantong sa pagbunot ng itak ng suspek at sinaksak ang biktima.

Tinamaan sa dibdib ang biktima at namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital, habang mabilis na tumakas ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.

(NILOU DEL CARMEN)

68

Related posts

Leave a Comment