Kahalagahan ng suporta sa sektor ng edukasyon

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PARA sa maraming Pilipinong pamilya, sinisikap ng mga magulang na mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Patunay ito sa pagpapahalaga sa maayos at mataas na kalidad ng edukasyon, kahit ano pa man ang estado sa buhay.

Malaki kasi ang tulong na mayroong diploma o natapos na degree para makakuha ng maayos na trabaho sa Pilipinas. Sa ngayon, nagiging usapin na rin ang mga pagbabagong makatutulong para mas mapaganda ang programang K-12 sa Pilipinas.

Sinimulang ipatupad ito noong 2012, kung saan nadagdagan ng dalawang taon ang basic na edukasyon sa bansa — mula kindergarten at apat na taong high school, nagkaroon pa ng karagdagang dalawang taon para sa senior high school. Layunin naman talaga nito na mabigyan ng karagdagang kakayahan at kaalaman ang mga estudyante para pagkatapos ng programa ay pwede na silang magtrabaho kaagad.

Pero matapos ang mahigit sampung taon ng pagpapatupad ng programa, hindi malinaw kung talaga nga bang napabuti ang estado ng edukasyon sa bansa at nakatulong sa mga pamilyang umaasang mas madaling makakukuha ng trabaho kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Maraming sektor ng lipunan, kabilang na ang ilang mambabatas, ang nagtatanong kung mas mabuti pa nga bang ayusin na lang ang lumang curriculum kaysa ipagpatuloy ang K-12.

Ayon pa nga sa isang senador, ang pagbabawas ng school hours ang pangunahing dahilan ng “learning poverty” sa Pilipinas. Dagdag pa niya, ayon sa datos, siyam sa bawat 10 batang Pilipino ay hindi nakababasa at nakaiintindi ng simple, at age-appropriate na babasahin sa edad na 10.

Hindi talaga sapat na basta lang mayroong programa kung hindi naman epektibo, kaya sa aking palagay, mabuti ngang busisiin pa at pagtuunang pansin ang sektor na ito. Kasi nga alam naman nating mahalaga ang edukasyon, at talaga namang nagsusumikap ang mga magulang para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Kamakailan, dumalo ako sa MVP 2023 Academic Achievement Awards (MVP AAA) ng One Meralco Foundation (OMF) — isang araw ng pagkilala sa mga dependent ng mga empleyado ng Meralco na nagpamalas ng natatanging husay at galing sa kanilang pag-aaral.

Naging makabagbag damdamin ang mensahe ng isa sa mga magulang kung saan ipinahayag niya ang inspirasyong ibinibigay sa kanya ng anak para patuloy na pagbutihin ang kanyang trabaho. Aniya, sa tuwing nakikita niya ang kanyang anak, naiisip niya ang tunay na dahilan kung bakit siya bumabangon at nagsusumikap sa araw-araw. Mangiyak-ngiyak siya at talagang nakakaantig ng damdamin ang pasasalamat nito sa programa na malaki ang naitutulong sa mga katulad niya.

Sa pamamagitan ng MVP Academic Achievement Awards, nasa 210 na student dependents mula sa elementarya, senior high school at kolehiyo ang nakatanggap ng educational assistance cash grant, MVP AAA medal, at sertipiko ng pagkilala.

Nasa ika-13 na taon na ang programang kumikilala sa mga empleyado ng Meralco at kanilang mga dependent na sumisimbolo ng kahalagahan ng edukasyon para sa mas maliwanag na bukas.

Nagsisilbing inspirasyon ang mga programang tulad ng MVP AAA dahil nagbibigay ito hindi lamang ng oportunidad kundi ng pag-asa. Hindi madaling itawid ang pag-aaral lalo na sa panahon ngayon na talaga namang napakalaki na ng gastusin sa araw-araw. Biyaya itong maituturing para sa marami.

Kasama ang pribadong sektor at iba pang grupo sa lipunan na tumutulong at sumusuporta para mas maging maayos ang edukasyon sa bansa. Sa kabila ng mga pagsubok o suliranin, kagaya na lamang ng mga naidulot ng pandemya, sana ay patuloy na magkaroon ng mga diskusyon at solusyon na magsusulong para sa mas magandang kinabukasan sa napakarami pang Pilipino.

411

Related posts

Leave a Comment