TARGET ni KA REX CAYANONG
INILAHAD ng kampo ni Gov. Manuel Mamba ang mga legal na basehan kung bakit hindi siya dapat arestuhin.
Nakasaad iyon sa mga dokumentong iprinisinta kina Cagayan Police Director PCol. Julio Gorospe at PMaj. Jhun Jhun Balisi, hepe ng PNP Tuao.
Isinilbi kasi ng mga pulis kay Mamba ang “Service of Contempt Order and Detention Order” ng Kongreso nitong Agosto 19.
Ayon sa kampo ni Mamba, malinaw na nakasaad sa Article III ng 1987 Constitution na ang warrant of arrest ay maaari lamang mailabas sa kapangyarihan ng isang hukom (judge) kapag ito ay nakitaan ng rason o “probable cause” na basehan sa pag-isyu ng warrant of arrest o search warrant laban sa isang indibidwal.
Binigyang diin ng kampo ni Mamba na malinaw rin sa Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng Kongreso na walang legal na basehan na nagbibigay kapangyarihan dito na mang-aresto.
Maliban dito, sinasabing malinaw din sa liham ang kahulugan ng “detain” at “arrest” kung saan kung titingnan nga ay magkaiba ang depinisyon nito sa batas.
Sa batas, ang “detain” ay “to hold or keep in custody” habang ang “arrest” ay “to seize, capture or to take in custody by authority of law”.
Well, nasasaad nga naman sa batas na ang pag-aresto nang walang warrant of arrest o warrantless arrest ay papayagan lamang sa ilang pagkakataon o circumstances.
Una, kapag sa presensiya ng isang alagad ng batas, ang taong aarestuhin ay gumawa, gumagawa, o gagawa ng isang bagay na labag sa batas.
Pangalawa, kapag may naganap na paglabag sa batas at ang alagad ng batas ay may sapat na basehan para isipin o paniwalaan, sang-ayon sa mga pangyayari sa kanyang harapan na ang taong
kanyang nais arestuhin ang siyang gumawa ng pagkakasala.
Panghuli, kapag ang taong darakpin ay isang pugante o tumakas mula sa piitan.
Kung titingnan nating mabuti, aba’y napakalinaw na wala roon ang mga kadahilanan para arestuhin ang gobernador.
Kaya nilisan din ang tahanan ni Mamba ng mga pulis na may dala ng detention order.
Kung maaalala, si Mamba ay cited in-contempt ng mga kongresista kaugnay ng dinidinig ng Committees on Suffrage and Electoral Reforms, at Public Accounts na may kinalaman sa isang resolusyon na inaatasan ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit at fraud audit investigation sa pamamahagi ng Cagayan provincial government ng ayuda sa mga Cagayanos noong 2022 polls.
Kasama rin sa mga hinimay ang House Resolution No. 146 na nag-aatas naman sa Appropriate House Committee in aid of legislation to conduct inquiry sa Commission on Elections (COMELEC) dahil wala raw itong ginawang kaukulang aksyon hinggil dito.
Sinasabing nakatakda namang humarap si Gov. Mamba sa Kongreso sa mga darating na araw.
Abangan!
104